P1.9M na halaga ng Ilegal na Droga, Nasamsam; Dalawang Drug Personalities, arestado
Sa pagpapatuloy ng kampanya ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) laban sa ilegal na droga, nakumpiska ang aabot sa PhP1,941,956.00 na halaga ng ilegal na droga at nahuli ang dalawang drug personalities sa magkakahiwalay na operasyong isinagawa sa Benguet at Baguio City noong ika-2 ng Abril, 2026.
Sa Benguet, apat na plantasyon ng marijuana na natamnan ng 6,670 fully grown marijuana plants at 5,000 grams ng dried marijuana stalks with fruiting tops na may kabuuang Standard Drug Price (SDP) na PhP1,934,000.00 ang nadiskubre sa serye ng marijuana eradication operations na isinagawa sa munisipalidad ng Kibungan at Kapangan.
Ang nakumpiskang mga tanim ay bunga ng patuloy na isinasagawang Benguet Oplan Ultimate Grasscutter 2026 ng mga operatiba mula sa Kapangan Municipal Police Station (MPS), Kibungan MPS, 1st at 2nd Benguet Provincial Mobile Force Companies, Provincial Intelligence Unit, Provincial Drug Enforcement Unit, at Provincial Community Affairs and Development Unit ng Benguet Police Provincial Office, katuwang ang Regional Intelligence Unit 14, Regional Mobile Force Battalion 15, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-CAR.
Lahat ng nadiskubreng tanim ng marijuana ay agad na binunot at sinunog ng mga operatiba, habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang mga indibidwal na responsable sa pagtatanim nito.
Samantala, sa Baguio City, isang 25-anyos na lalaki at isang 27-anyos na babae na parehong nakalista bilang Street Level Individuals ang naaresto ng mga operatiba mula sa Police Station (PS) 2 ng Baguio City Police Office at Regional Highway Patrol Unit-CAR matapos silang mahulihan ng ilegal na droga sa isinagawang police response sa Brgy. Sto. Niño, Slaughter.
Ayon sa ulat, agad na rumesponde ang mga kapulisan ng PS 2 matapos makatanggap ng tawag mula sa mga concerned citizen ukol sa dalawang indibidwal na di-umano’y aktuwal na nagsasagawa ng aktuwal na transaksiyon ng ilegal na droga. Sa kanilang pagresponde, nakita at nakumpiska mula sa mga nasabing suspek ang tatlong pakete ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na 1.17 grams at SDP na PHP 7,956.00, at iba pang drug paraphernalia.
Ang mga suspek at nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa kustodiya ng PS 2 para sa kaukulang dokumentasyon at wastong disposisyon. Sila ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (RPIO PRO CAR /File Photos)
