Mga produktong gawa sa calamansi, ibinida sa Pangasinan

Mga produktong gawa sa calamansi, ibinida sa Pangasinan

Ang calamansi farm sa bayan ng San Fabian na kilala bilang ‘Calamansian ed Lekep Butao ay mayroong 7,000 na puno ng calamansi na nagbibigay kabuhayan sa maraming residente. Photos by: (VHS)

By Venus May Sarmiento

SAN FABIAN, Pangasinan, Nov 25 (PIA) – – Ibinida ang mga  produktong gawa sa kalamansi pati na rin ang karanasan ng pamimitas sa mga puno ng calamansi sa bayan ng San Fabian.

Maliban nga sa mayaman ito sa vitamin C, vitamin A, calcium at potassium, mabisa din itong  panlaban sa COVID—19 at iba pang mga virus ang prutas na ito. 

Dala ang mga basket, tinungo ng mga may-ari ng small and medium businesses ang pitong ektaryang calamansi farm sa Barangay Lekeb Butao upang tuklasin ang  calamansihang nagbibigay ng kabuhayan sa naraming residente.

Ayon kay Barangay Captain Fernando Estayo, nag-umpisa ang calamansian na isang maliit na farm noong 1980s na mayroon lamang limandanag puno. Ngayon, nasa pitong libong puno ng calamansi na ang kanilang inaalagaan.

“Ang calamansi pag tinanim, aabot sa 15-20 years, tatlong cycle na mamunga  sa isang taon,” sabi ni Estayo.

Bahagi ito ng agri-tourism development na nagbibigay ng kabuhayan at livelihood opportunities  sa ikaapat na Distrito ng Pangasinan na pinapangunahan ni Congresman Christopher De Venecia.

“Ang calamansi ay nabebenta sa halagang  2,000 hanggang 3,000 pesos kada isang sako, pero pag mahina ang benta ay nasa 400 to 500  pesos lang ang kuha dito. Kaya ito yung panahon na dapat may ibang produkto na mapagkakakitaan na makakatustos sa pangangailangan ng ating mga magsasaka gamit ang calamansi,” sabi ni De Venecia.

Kabilang sa mga produktong gawa sa calamansi ay ang calamansi juice at calamansi concentrate na inumpisahan ng UpLokal. Mayroon na ring calamansi crinkles na pinapangunahan ng women’s association kung saan miyembro ang mga Barangay Health Workers, Barangay Nutrition Scholar Workers at mga maybahay ng mga barangay officials.

Ginawa na ring tourism attraction ang calamansian kaya naman maari nang mag calamansi picking sa halagang 80 pesos na entrance fee. Kapag kukunin naman ang package na 350 pesos ay kasama na ang  entrance fee, handcrafted basket, calamansi crinkles at ang mapipitas na calamansi ay pepresyuhan per kilo.

Itinampok din sa naturang mini-agri tourism fair ang mga produkto sa karatig bayan tulåd ng tupig sa Tocok, flavored salt  ng Tiblong at handwoven baskets mula sa Pugaro upang lalong matulungan ang mga maliliit na negosyo. (JCR/VHS/PIA PANGASINAN)

PRESS RELEASE