Mga OFW, agad nang bigyan ng vaccination passes – IMEE

Inihirit ni Senador Imee Marcos sa pamahalaan na huwag nang patagalin pa ang pagbigay ng mga vaccination pass sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na nangangailangan nito para makapagtrabaho sa ibang bansa.


Ani Marcos, kayang simulan na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pag-isyu ng mga vaccination pass kung bigyan ng prayoridad ang mga OFW, imbes na hintayin pa ang mga LGU (local government units) na maayos ang mga backlog nito sa pagpapadala ng datos ukol sa pagbabakuna ng lahat ng kanilang mga nasasakupan.


“Ang mas madiskarteng target ang solusyon. Ang mga OFW na may kasalukuyang mga job contract, mga bumibiyaheng negosyante, at mga estudyanteng humahabol sa mga school terms nila abroad ang dapat na unahing bigyan ng passes,” sinabi ni Marcos.


Inihalimbawa ni Marcos ang Japanese government na mahusay na napangangasiwaan ang  bulto o dami ng mga vaccination data sa pamamagitan ng pag-iisyu ng passes sa mga may kagyat lang na pangangailangan at nag-apply sa public health centers na tumatagal lang ng 20 minuto.


“Nangako ang DICT sa Senate hearing nuong isang taon pa na masisimulan ito ngayong Agosto. Naaalala ko dahil naniwala ako,”  paggunita ni Marcos.


Habang hindi pa maayos ang isang ‘international system’ o pandaigdigang sistema sa beripikasyon ng mga vaccination passes, sinabi ni Marcos na kailangang maisaayos ng pamahalaan ang mga kasunduan sa ibang bansa na mayroong sariling listahan ng mga aprubadong bakuna, na mas istrikto pa sa inaprubahan ng World Health Organization (WHO).

“Hindi pa inaaprubahan ng mga bansang madalas na pinatutunguhan ng mga OFW, gaya ng Saudi Arabi at Japan, ang mga bakuna gaya ng sa Sinovac, na tinurok na sa milyun-milyong Pilipino,” pinunto ni Marcos.


“Kahit ang pagsunod ng DICT sa patakaran ng WHO para sa hinihintay na VaxCertPH passes, na may mga QR code pa, ay hindi kasiguruhan na walang sagabal ang pagpasok ng mga OFW sa ibang bansa. Kailangan aregluhin pa ito ng magkabilang gobyerno,” dagdag ni Marcos.


Nagbabala si Marcos na mauulit pa muli sa ibang bansa ang problema ng mga OFW sa pagpasok sa Hong Kong kamakailan lang, kung hindi agad masimulan ng gobyerno ang pag-isyu ng VaxCertPH passes.


Maiiwasan din ang mga abala sa mga biyahero na pagsailalim sa mga mahahabang quarantine at madalas na PCR (polymerase chain reaction) test, ayon kay Marcos, kung isasabay ng Department of Health na i-update at i-ayon mga quarantine protocols sa paglunsad ng VaxCertPh passes, “gaya ng ginagawa sa ibang bansa.”


“Matapos ang paulit-ulit na mga lockdown, nakasusulyap na tayo ng pag-asang makabawi dahil sa mga vaccination passes. Kailangan natin ng laying gumalaw para madagdagan ang pagtangkilik sa mga negosyo at mabawasan ang kawalan ng trabaho,” diin ni Marcos.  ###

PRESS RELEASE