Mga Estudyanteng may Kapansanan sa Paningin, Nanguna sa Kauna-unahang Pagtatanim ng Kape sa Camp John Hay
Photo courtesy JHMC
Lungsod ng Baguio, (Enero 9, 2026) Pinatunayan ng mga mag-aaral mula sa Northern Luzon School for Visually Impaired (NLSVI) na ang pisikal na limitasyon ay hindi hadlang sa malasakit at responsibilidad sa pangangalaga ng kalikasan.
Sa diwa ng pagkakaisa at pagmamahal sa kapaligiran, nagtanim sila ng 40 punla ng kape sa John Hay Management Corporation (JHMC) Office Complex sa Camp John Hay—isang makasaysayang gawain bilang kauna-unahang tree planting activity sa lugar na pinangunahan ng mga mag-aaral na may kapansanan sa paningin.
Nakibahagi rin sa aktibidad ang mga miyembro ng Baguio Gold Lions Club, sa pangunguna ni Service President Donna Tabangin, na patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa pamamagitan ng kanyang pamumuno sa mga programang pangkomunidad na inklusibo at may makabuluhang epekto.
Lalong naging makahulugan ang gawain sa pamamagitan ng isang ginabayang sensory exploration sa isang malapit na punong-kape na namumunga.
Inanyayahan ang mga mag-aaral na damhin ang tekstura ng balat ng puno at maramdaman ang pagkahinog ng mga bunga nito. Ang karanasang ito ay nagbigay ng mas malalim na ugnayan sa kalikasan, ginawang isang multi-sensory learning experience ang simpleng pagtatanim. Habang dinidiligan ng mga mag-aaral ang mga punlang kanilang itinanim, ang gawain ay humigit pa sa karaniwang serbisyong pangkalikasan—ito ay naging sandali ng personal na empowerment at kolektibong alaala, nakaugat sa paghipo, pag-aalaga, at malinaw na layunin.
Ang makabuluhang inisyatibang ito ay sumasalamin sa patuloy na pangako ng John Hay Management Corporation (JHMC) na isulong ang mga inklusibo at community-driven na programa, sa ilalim ng pamumuno ni President at Chief Executive Officer Manjit Singh Reandi, na naglalayong bigyang-lakas ang bawat sektor ng lipunan sa sama-samang pangangalaga sa kalikasan.
Ayon kay JHMC President Manjit, “Nag partner tayo kay North Luzon School for Visually Impaired dahil matagal na akong supporter dun, nag-usap kami ni Ma’am Donna, President ng School for the Blind, bigyan natin ng chance ang mga bata para malaman at mapahalagahan ang importansiya ng pangangalaga sa environment, kaya nagbigay ako ng area sa kanila kung saan tataniman nila ito ng mga kape at aalagaan nila, dadalawin at the same time dini-develop pa namin ito na hindi lang kape ang kanilang pwedeng itanim gawin na rin natin na pwede sila magtanim ng mga gulay para just in case na gusto nila pumunta after sometime gusto nila mamitas dahil sa school for the blind karamihan ng mga food nila ay galing sa donation so, para isa ito sa tulong natin sa kanila na ma sustainable ang kanilang pagkain,” ani Pres. Manjit.
# Mario Oclaman // FNS
