Matagumpay na inalala ang ika-80 anibersaryo ng Pagsuko ng mga Hapon sa Quezon

Tayabas, Quezon – sa pamamagitan ng pagpupunyagi ng Tayabas Council on Commemorations and Celebration kasama ang Tayabas Studies and Creative Writing Center, naidaos ang 80ng taong anibersaryo ng pagsuko ni Major General Masatoshi Fujishige noong Setyembre 27, 1945. Nagkaroon din ng Kumperensyang Paggunita nang Setyembre 26 at 27 sa Casa de Comunidad de Tayabas.
Tinalakay ni Ryan Palad ng Tayabas Studies at Creative Writing Center ang kanyang saliksik tungkol sa “Tayabas 1945-156: Liberasyon, Lagim at Pagbangon” bilang pambungad na panayam. Sinundan ito ng paglalahad ni Vladimir Nieto ng Konseho ng Herencia sa Lucena para sa “Kagitingan sa Panahon ng Digmaan: Karanasan sa Lucena” bago ang tanghalian. Bago magsimula ang panghapon na sesyon ay mayroon pampasiglang bilang ng tradisyonal na sayaw na subli.
Ang kasunod na naglahad ay si Christian Andrew Cervantes ng Atimonan Historical Society, may tuon sa “Hunters ROTC Guerillas and USAFFEE and the Liberation of Atimonan from Japanese Troops.” Nagbahagi rin si Arjay Targa ng Manuel S Enverga University Foundation sa Calauag, tungkol kay “Pedro C. Inofre: Beterano, Bayani, Lingkod Bayan at ang kanyang ambag sa Kasaysayan ng Calauag. Naglahad rin ng papel si Dr. Randy Nobleza ng Marinduque University tungkol sa “Panahon ng Hapon sa Marinduque: Mga Labanan liban sa Paye at Pulang Lupa sa isla.
Bilang pagpapatuloy sa unang araw ng kumperensyang paggunita, nagpaunlak din si Anabelle Calleja, sa kaniyang pagbabahagi ng personal na danas “Ang Bayan ng Mauban at ang Anino ng mga Hukbong Imperyal ng Hapon.” Nagbigay din ng ambag si Danny De Luna ng Quezon Provincial Heritage Society tungkol sa “Whispers of Valor: Sariaya’s Unsung Saga.” Bago matapos ang unang araw, humalaw naman sa libro na sinulat nila si Leonardo Villa ng Lucban Heritage Conservation Society, “Liberasyon ng Lucban, Kwento ng Kabayanihan.
Dumalo din sina Dr. Gilbert Macarandang ng University of the Philippines Los Baños, si Dr. Romeo Peña ng Polytechnic University of the Philippines, Dr. Ricardo Trota Jose ng UP Diliman Department of History at Dr. Vim Nadera Jr. ng UP Diliman Department of Filipino and Philippine Literature maging ng Institute of Creating Writing nito. Bago magpatuloy ang kasunod na bahagi ng kumperensyang paggunita ay nagalay muna ng bulaklak sa dambana sa Tayabas at liwasan ng mga beterano at lumaban sa hapon. Nagkaroon din ng programa sa Lugar ng Huling Pagsuko ng mga Opisyal at Sundalong Hapon. Photo credits: Tayabas Heritage Channel