Mahigit P10M na Halaga ng Iligal na Droga, Nasamsam; Street Level Drug Personality, Timbog

Sa patuloy na kampanya ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) laban sa iligal na droga ay nasamsam ang nasa PhP10,325,644.00 nahalaga ng iligal na droga at naaresto ang isang street level drug personality sa magkahiwalay na operasyong isinagawa sa lalawigan ng Benguet noong ika-6 ng Oktubre, 2025.
Sa Brgy. Poblacion, Kibungan, mahigit P10M na halaga ng dried marijuana leaves ang nadiskubre sa loob ng isang sasakyan na iniwan ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek.

Ayon sa ulat, nagsasagawa ng checkpoint operation ang mga operatiba ng Kibungan MPS nang mapansin nila ang isang puting Mitsubishi Strada pick-up na biglang huminto mga 100 metro bago marating ang checkpoint. Dalawang lalaki umano ang agad na bumaba mula sa nasabing sasakyan at tumakbo patungo sa direksyon ng bayan ng Kapangan. Kanilang iniwang nakabukas ang pinto sa driver side ng sasakyan, at nang lapitan at siyasatin ito ng mga operatiba ay nadiskubre sa backseat ang 86 na tubular form at apat na sako ng dried marijuana leaves na may kabuuang timbang na 86 kilograms at Standard Drug Price (SDP) na PhP10,320,000.00.
Patuloy ang isinasagawang follow-up investigation at hot pursuit operation para sa pagkakakilanlan at pagkakaaresto ng mga suspek.

Samantala, sa Brgy. Puguis, La Trinidad, isang 26-anyos na lalaki na naitala bilang Street Level Individual ang naaresto sa buy-bust operation na isinagawa ng magkasanib na pwersa ng La Trinidad MPS, Provincial Intelligence Unit at Provincial Drug Enforcement Unit ng Benguet Police Provincial Office, at Philippine Drug Enforcement Agency-CAR.
Nahuli ang suspek matapos siyang magbenta ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na 0.83 grams at SDP na PhP5,644.00 sa isang operatiba na gumanap bilang poseur buyer.
Ang suspek at nakumpiskang ebidensya ay dinala sa kustodiya ng La Trinidad MPS para sa kaukulang dokumentasyon at wastong disposisyon. Ang suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (RPIO PRO CAR /File Photos)