Mahigit 17.9-M na Halaga ng Iligal na Droga, Nasamsam; Isang Street Level Drug Personality, Arestado

Mahigit 17.9-M na Halaga ng Iligal na Droga, Nasamsam; Isang Street Level Drug Personality, Arestado

Nasamsam ng mga kapulisan ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) ang mga iligal na droga na may kabuuang halaga na PhP17,904,080.00, at naaresto ang isang drug personality sa magkahiwalay na anti-illegal drug operations na isinagawa sa mga lalawigan ng Benguet at Apayao noong ika-29 ng Oktubre, 2025.

Sa Benguet, apat na plantasyon ang nadiskubre sa inilunsad na marijuana eradication operation sa Brgy. Badeo, Kibungan. Natagpuan mula doon ang 17,900 fully grown marijuana plants na may Standard Drug Price (SDP) na PhP17,900,000.00.

Ang nasabing operasyon ay naging matagumpay sa pagtutulungan ng mga operatiba mula sa Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), Provincial Intelligence Unit (PIU), Provincial Special Operations Group, Kibungan Municipal Police Station (MPS), at 2nd Benguet Provincial Mobile Force Company (PMFC) ng Benguet Police Provincial Office (PPO), kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency-CAR.

Agad na binunot at sinunog ng mga operatiba ang mga natuklasang tanim na marijuana. Patuloy naman ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang iba pang posibleng plantasyon ng marijuana sa mga kalapit na lugar at mapanagot ang mga indibidwal na sangkot sa pagtatanim nito.

Samantala, naaresto ang isang 36-anyos na babae na naitala bilang Street Level Individual matapos makumpiska mula sa kanyang bahay sa Brgy. Aga, Pudtol, Apayao ang 16 na pakete ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na 0.6 grams at SDP na PhP4,080.00.

Ang operasyong ito ay isinagawa ng mga operatiba mula sa PDEU, Pudtol MPS, PIU, Provincial Investigation and Detective Management Unit, at 1st Apayao PMFC ng Apayao PPO, katuwang ang Regional Intelligence Division ng PRO CAR, Regional Mobile Force Battalion 15, at Regional Intelligence Unit-14, sa bisa ng search warrant.

Ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa kustodiya ng Pudtol MPS para sa dokumentasyon at wastong disposisyon. Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (PRO CAR RPIO / File Photos)

PRESS RELEASE