MAAGANG PAMIMIGAY NG PENSION INCREASE

MAAGANG PAMIMIGAY NG PENSION INCREASE

Christian Andrew RillortaSenior Communications Analyst, SSS Luzon North 1 Division

Noong nakaraang taon ay inanunsiyo ng SSS ang tungkol sa Pension Reform Program kung saan, sa tatlong sunod-sunod na taon ay may karagdagang 10% sa pension ang mga Retiree at Disability Pensioners at 5% naman para sa mga Surviving Spouse Pensioners.

Nagsimulang ipamahagi ang unang bugso ng increase noong September 2025 at sa September 2026 at September 2027 naman ang ikalawa at ikatlong taon ng increase.

Subalit, dahil sa nangyayaring krisis ngayon, minabuti ng SSS na ipamahagi na ang ikalawang bugso ng pension increase sa susunod na buwan o sa June 2026. Hindi na hihintayin ang buwan ng September.

Kaya naman, sa lahat ng mga pensyonado na tumanggap na ng increase simula noong nakaraang taon, mapapaaga ang pagtanggap ninyo ng inyong karagdagang pension.

At dahil napaaga ng tatlong buwan ang pamamahagi ng pension increase, nagbago rin ang cutoff dates o palatandaan ng petsa para masakop sa increase.

Batay sa inilabas na Circular ng SSS, kung ang petsa ng pagreretiro, pagkabalda o survivorship ng isang miyembro ay pumatak sa cutoff date na May 31, 2026, ay kwalipikado nang makatatanggap ng dagdag pension simula ng June 2026. Kung pumatak naman ang petsa sa pagitan ng June 1 at August 31, 2026, matatanggap na ang dagdag pension simula September 2026.

Magpapatuloy ang pagtanggap ng karagdagang pension hanggang sa muling dagdagan ito sa September 2027 – ang ikatlo at huling bugso ng Pension Reform.

Para sa malinaw na paglalarawan, ihalimbawa natin si Mang Pete na noong taong 2015 pa SSS Retiree Pensioner. Tumatanggap siya ng P8,200.00 kada buwan bilang pension. Noong September 2025, naging P9,020 kada buwan na ang pension niya hanggang sa May 2026. Pagpasok ng June 2026, magiging P9,922 na ang kaniyang monthly pension. Tatanggapin niya ang halagang ito hanggang August 2027 at pagpasok ng September 2027 ay magiging P10,914.20 na ang kaniyang pension.

Si Edna, isang Survivor Pensioner noong February 2026, ay tumatanggap ng P7,300 kada buwan. Sa June 2026, tataas na ito sa P7,665 at magiging P8,048.25 pagdating sa September 2027.

Sa kaso naman ni Mang Ed na magreretiro pa lang sa June 19, tatanggapin pa niya ang kaniyang regular na pension, subalit pagdating ng September 2026 ay madadagdagan na ito ng 10%.

Paglilinaw lamang para sa mga pensioners, wala na kayong kailangang gawing aplikasyon o anumang hakbang para matanggap ang increase. Kusa nang maidaragdag ito sa buwanang pension.

Kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph. Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph at SSS Hotline 1455 para sa inyong concerns at katanungan.

admin