“Kyro” Napiling Masuwerteng Sanggol ng Pasko 2025

“Kyro” Napiling Masuwerteng Sanggol ng Pasko 2025

Mga litrato at video kuha ni Mario Oclaman //FNS

LUNGSOD NG BAGUIO – Nakahanda na ang ilang mamamahayag at representante ng CSWDO para tunghayan sa OB Ward at pagkalooban ng mga regalo buhat sa mga tagatangkilik na sumusuporta sa taunang proyekto ng NCCB ang Lucky Christmas Baby.

Sa malamig na madaling-araw ng Disyembre 25, 2025, habang ang buong mundo ay nagdiriwang ng kapanganakan ng Manunubos, isang bagong buhay din ang isinilang sa Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC). Ganap na 3:04 a.m., isinilang si Kyro Zhyne Mariano Estoque, ang tinaguriang Lucky Christmas Baby ng taong ito.

Si Kyro ay anak nina Charlize Nicolie Dizon Mariano at Gibriel Malupeng Estoque, kapwa 21 taong gulang, mula sa Aurora Hill, na City. Ang mag-asawa, parehong cashier sa isang kainan sa lungsod, na ngayon ay mga bagong magulang na puno ng pag-asa at pananabik.

“Si Kyro ay biyaya ng Diyos para sa amin. Salamat po, Panginoon,” wika ni Charlize, pitong oras matapos ang kanyang panganganak. Bagaman pagod at kulang sa tulog, dama sa kanyang tinig ang taos-pusong pasasalamat. Hawak-hawak ang sanggol, idinagdag pa niya: “Maraming, maraming salamat po sa mga doktor at nurse ng BGHMC.”

Hindi lamang ang pamilya ang nagdiwang. Kasama rin sa pagdiriwang ang National Correspondents Club of Baguio (NCCB), na taon-taon ay nagtataguyod ng tradisyong ito upang magbahagi ng ligaya sa mga kapus-palad. Pinangunahan nina Primo Agatep, Thom Picana, at Zaldy Comanda, kasama ang mga social worker na pinamunuan ni Mariete Mae Yapyap bilang kinatawan ni Liza Bulayungan, hepe ng City Social and Welfare Development Office (CSWDO), ang pamamahagi ng mga regalo na may cash at in-kind para sa sanggol at sa magulang.

Ayon kay Joyce Bayeng, supervising nurse on duty, si Charlize ang unang nanganak sa pito pang ina na nakatakdang magsilang sa araw na iyon. Hindi naman nahirapan sa panganganak si Charlize, si Kyro—isang paalala na ang Pasko ay hindi lamang tungkol sa mga ilaw at regalo, kundi sa bagong buhay at pag-ibig na ipinagkakaloob ng Maykapal.

Ang proyekto ay katuwang ng CSWDO at BGHMC, at sinuportahan ng iba’t ibang samahan at institusyon gaya ng Suyoc Taneg Indigenous Livelihood Association (STILA) ng Mankayan, Nay-en Tuluan Small Scale Miners Association-BFSSMI, Lower Gomok Multipurpose Cooperative (LGMC) ng Itogon, John Hay Management Corp., SM-Baguio, at Amianan Balita Ngayon (ABN), ang nangungunang pahayagan sa Cordilleras-Pangasinan-Ilocos.

Sa pagsilang ni Kyro, muling napatunayan na ang Pasko ay panahon ng pag-asa, pagbibigay, at walang hanggang pagmamahal. Sa kanyang munting paghinga, tila ba ipinapaalala sa lahat: ang bawat bagong buhay ay isang himig ng pag-asa, isang awit ng pag-ibig, at isang biyayang dapat ipagdiwang.

Ayon kay Primo Agatep, mamamahayag at presidente ng NCCB, “ang ganitong tradisyon na lucky Christmas Baby ay itinatag at sinimulan ng Yumaong dating Konsehal ng Lungsod Nars Padilla siya ay founding president ng NCCB mula pa noong taong 1970 at bilang kami ay mga tagasunod na opisyal ay nagsumikap para maipagpatuloy ang nasimulan ng aming beteranong mentor at  sa pamamagitan ni Thom Picaňa ay siya ang nag encourage sa amin para matuloy itong proyektong Lucky Christmas Baby,” # Mario Oclaman //FNS

Mario Oclaman