Isang Topmost Wanted Person, Timbog; Tatlong Iba Pang Suspek Arestado

Isang Topmost Wanted Person (TMWP) at tatlong iba pang suspek ang naaresto sa serye ng operasyong isinagawa sa Ifugao, Abra, at Benguet noong ika-8 ng Oktubre, taong kasalukuyan.
Sa Ifugao, naaresto ng mga operatiba ng Hingyon Municipal Police Station (MPS), Regional Mobile Force Battalion 15, 2nd Ifugao Provincial Mobile Force Company, Provincial Intelligence Unit ng Ifugao Police Provincial Office, Banaue MPS, at Regional Intelligence Unit-14, ang isang suspek na naitala bilang No. 1 TMWP sa Municipal Level.
Nahuli ang suspek sa Brgy. Bocos, Banaue sa bisa ng warrant of arrest dahil sa paglabag sa Republic Act No. 7610, o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Ayon sa mga operatiba, dalawang lalaking menor de edad ang biktima ng pananakit ng nasabing suspek. Mabilis ang naging pagkakaaresto ng suspek bunsod ng masusing pagmamanman at tuloy-tuloy na pagsubaybay ng mga operatiba sa mga kilos nito.
Samantala, tatlo pang indibidwal ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon: isang 28-anyos na lalaki ang nadakip sa Brgy. Zone 7, Bangued, Abra dahil sa kasong estafa, sa pamamagitan ng entrapment operation; isang 42-anyos na lalaki ang naaresto sa Brgy. Poblacion, Itogon, Benguet dahil sa kasong high grading; at isang 39-anyos na babae ang inaresto sa Brgy. Pico, La Trinidad, Benguet sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong paglabag sa Batas Pambansa Blg. 22, o ang Bouncing Checks Law.
Patuloy ang pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa kriminalidad bilang bahagi ng kanilang adhikain na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon. (RPIO PRO CAR)