Isang Patay, Anim Sugatan sa John Hay Loop E-Bus Accident sa Camp John Hay
Nagpahayag ang JHMC ng detalye sa insidente ng electric bus sa Scout Hill; imbestigasyon at tulong sa mga biktima, patuloy.
LUNGSOD NG BAGUIO – Nagpatawag ng isang press conference si John Hay Management Corporation (JHMC) President at CEO Manjit Singh Reandi upang ilahad sa media ang mga detalye ng naganap na insidente na kinasangkutan ng John Hay Loop Electronic Bus noong Biyernes, Enero 16, 2026, sa Scout Hill area ng Camp John Hay, Baguio City.
Detalye ng Sasakyan at mga Nasangkot
Ayon kay Reandi, ang sangkot na sasakyan ay ang EV Loop Bus na may plate number NY269B, na may kapasidad na 22 pasahero. Sa oras ng insidente, pitong (7) pasahero ang sakay ng bus. Isa ang Namatay at Anim ang Nasugatan
Batay sa datos mula sa LexSWITCH EcomOBILITY Inc. system, isang collision alert ang naitala bandang 3:06 ng hapon ng Biyernes.
Resulta ng Speed Data Analysis
Ipinakita sa pagsusuri ng bilis na habang paakyat ng Scout Hill, ang EV bus ay tumatakbo sa bilis na 13 kilometro kada oras (kph) at unti-unting tumaas hanggang 26 kph. Ganap na huminto ang sasakyan humigit-kumulang 13 segundo matapos ang banggaan.
Kronolohiya ng Tugon at Responde
3:07 PM – Isang distress call ang natanggap ng JHMC mula sa Northcom Security Agency sa pamamagitan ng radyo, humihiling ng agarang tulong medikal kaugnay ng isang mass casualty incident sa Scout Hill.
Agarang Responde – Kaagad na ipinadala ang JHMC Emergency Response Team na binubuo ng kabuuang 42 responders, kabilang ang mga sumusunod:
JHMC Emergency Response Team – 6, JHMC Fire – 6, SSD (Organic Security) – 2, EAMD – 1, GSD – 2, MCKLEENE – 5, Northcom Security – 20
Pagdating sa lugar, nakita ng mga responder na ang E-Bus ay nasa loob ng picnic area at nasa mapanganib na lokasyon, habang may mga sibilyang nagtutulak sa sasakyan. Ayon sa ulat ng mga nakasaksi, may isang biktimang naipit sa ilalim ng bus.
Isinagawa ng JHMC Emergency Services ang scene size-up, ipinatupad ang Simple Triage and Rapid Treatment (START) System, at sinimulan ang search, rescue, at extrication operations.
Isang babaeng biktima ang naiahon mula sa ilalim ng bus. Subalit nang masuri, siya ay walang malay, walang pulso, at hindi na humihinga, na may bahagyang pagbaluktot sa ulo at leeg.
Karagdagang Tulong at Operasyon
Humingi ng karagdagang backup mula sa Smart City Command Center, kasabay ng pagpapatupad ng crowd control at paglalagay ng safety cordon sa lugar.
Dumating ang mga JHMC Firefighters at sinimulan ang pagpapatatag ng E-Bus dahil sa patuloy na panganib sa lugar. Sumunod na dumating ang CDRRMO 949 Ambulance, na katuwang ng JHMC sa maingat na pag-angat at pagkuha ng biktima.
Sa kabila ng agarang interbensyon, idineklara ang biktima na dead on the spot dahil sa matinding pinsalang tinamo.
3:20 PM – Dumating ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Suporta sa Pamilya at Imbestigasyon
4:36 PM – Tumulong ang JHMC sa mga naulilang kaanak ng biktima at dinala sila sa Bell House upang makapagpahinga. Nagbigay rin ang JHMC Emergency Services ng psychological first aid at psychosocial support, kabilang ang child-friendly spaces para sa mga bata.
4:51 PM – Dumating ang mga opisyal ng Loop Bus Operator at inimbitahan ang pamilya ng nasawing biktima sa JHMC Office upang talakayin ang kompensasyon at tulong na ipagkakaloob.
5:46 PM – Dumating ang PNP SOCO Team para sa imbestigasyon.
6:10 PM – Kinuha ng Baguio Memorial Chapel ang bangkay ng biktima.
Clearing Operations at Retrieval
Bandang 8:03 PM, muling bumalik ang JHMC Emergency Services sa lugar upang magsagawa ng clearing operations alinsunod sa utos ng PCEO.
8:59 PM – Sinimulan ang retrieval ng Loop Bus sa tulong ng crane mula sa Amare.
10:18 PM – Matagumpay na naiahon ang E-Bus at nailagay sa gitna ng kalsada. Kinuha ng BCPO Traffic Enforcement Unit ang dashcam recording mula sa bus para sa karagdagang imbestigasyon.
Matapos masigurong ligtas ang lugar, ibinalik ang E-Bus sa Old Fire Station Area at isinailalim sa seguridad.
Sa huli, bumalik ang JHMC Emergency Services sa kanilang base para sa debriefing procedures. # Mario Oclaman //FNS
