Isabela, handa na sa gaganaping Bambanti Festival 2025

Photo grabbed from Isabela PIO FB Account
SAN MATEO, Isabela– Nag-anunsyo na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela (PPI) ng kanilang kahandaan sa nalalapit na pagdaraos ng Bambanti Festival 2025 sa pamamagitan ng paglabas ng iskedyul ng mga aktibidad sa social media account na Isabela Pio.
Matatandaan na noong Enero 3 ay isinagawa ng mga opisyal ng PPI sa pangunguna ng Executive Director at Vice Governor na si Bojie Dy ang 4th Executive Meeting sa Green Room sa Isabela Provincial Capitol. Tinalakay dito ang mga aktibidad, pinansyal na aspeto at seguridad upang siguruhin ang maayos at matagumpay na pagsasagawa ng nasabing pagdiriwang. Noong Enero 10, opisyal nang inilabas ang kalendaryo ng mga aktibidad.
Ang Bambanti ay Ilokano term ng scarecrow. Nakaugalian na ng bawat bayan at siyudad ng lalawigan ang paglalagay ng Bambanti Booth at Giant Bambanti sa Bambanti Village. Ito ay dinidisenyuhan batay sa produktong pangkabuhayan ng mga kalahok. May parangal ang kalahok na may pinakamagandang presentasyon at interpretasyon sa kahulugan at papel na ginagampanan ng Bambanti sa buhay ng mga magsasaka sa probinsya.
Ang Bambanti Festival 2025 ay nakatakdang magsimula sa Enero 19 at magtatapos sa 25. Ilan sa mga kaabang-abang na aktibidad ay ang Grand Finals ng Isabela’s Got Talent at Fireworks Display sa Queen Isabela Park sa Enero 19; pagbubukas ng Agri-Ecotourism Booths at paglalagay ng Giant Bambanti sa Bambanti Village, at Car Meet sa Enero 20; Festival King and Queen at Queen Isabela Creative Attire Exhibit sa NorthStar Mall at Music Festival sa Enero 21; Queen Isabela 2025 Grand Coronation Night sa Enero 22; Makan ken Mainum sa Enero 23; Street Dance at Festival Dance Showdown Competition, Bambanti Festival Musical, Bambanti Festival Awarding Ceremonies, at Grand Fireworks Display sa Enero 24; at Bambanti Grand Concert sa Enero 25.
Ang nasabing pagdiriwang ay taunang ginaganap bilang simbolo ng pagkakaisa, pagmamahal ng mga Isabeleño sa lalawigan at pasasalamat sa masaganang ani ng mga magsasaka sa kabila ng mga hamon ng pabago-bagong klima.
Para sa iba pang at impormasyon ukol sa mga aktibidad, i-click lamang Facebook page na Isabela Pio.# Mae Barangan