Íñigo Anton ng Baguio, Itinanghal na 2025 F4 Southeast Asia Rookie Champion

Isang makasaysayang tagumpay ang naitala ni Íñigo Navarrete Anton ng Baguio City matapos siyang tanghaling 2025 Formula 4 Southeast Asia (F4-SEA) Rookie Champion, ang kauna-unahang Pilipinong nakamit ang titulo sa naturang kompetisyon.
Sa kanyang unang buong season sa Formula 4, tinalo ni Anton ang 16 na karerista mula sa 11 bansa, at nagtapos din siya sa ikatlong puwesto sa overall standings, kasunod nina Alex Sawyer ng Vietnam at Seth Gilmore ng Australia.
Ang F4-SEA Championship ay sertipikado ng Fédération Internationale de l’Automobile (FIA), kung saan ang mga top finisher ay binibigyan ng mahahalagang license points para sa mas mataas na antas ng karera.
Ang tagumpay ni Anton ay itinuturing na milestone para sa motorsport ng Pilipinas, na nagbigay-inspirasyon sa mga kabataang Pilipino na makipagsabayan sa pandaigdigang larangan ng karera. Mga litrato kuha ni Karen Navarrete Anton