INFLATION RATE BUMABA, MGA BILIHIN DI PA RIN ABOT-KAYA!

Kinwestiyon ni Senador Imee Marcos ang hindi pagkakatugma ng mataas pa ring presyo ng pagkain sa mga palengke sa iniulat na pagbaba sa inflation rate ng bansa.
Sinabi ni Marcos, pinuno ng Senate committee on economic affairs, na dapat tapyas na ang mga presyo ng pagkain dahil malaki ang epekto ng mga ito sa pagkalkula ng inflation rate na sinasabing bumaba na sa 4.5%.
“Totoo kaya yung sinasabi ng NEDA (National Economic Development Authority) sa inflation rate? Kasi di ramdam sa palengke at grocery!” sinabi ni Marcos.
Kinalampag ngayon ni Senadora Marcos ang Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa nananatiling mataas ang presyo ng pagkain kahit na rin inalis na sa ECQ o enhanced community quarantine and Metro Manila at apat na karatig probinsya na nagbubuo sa tinawag na NCR Plus bubble.
Binigyang diin ni Marcos na tila kumukuyakoy na naman ang DTI at papetiks-petiks kaya namamayagpag na naman ang mga mapagsamantalang negosyante.
“Heto na naman tayo, wala na namang nag-iikot na DTI at nanghuhuli, tila natutulog naman sa pansitan, ano ba!” diin ni Marcos.
Giit ni Marcos, mas dapat paigtingin ngayon ng DTI ang bantay-presyo dahil wala nang perang pambili ang mga tao, sabay banggit na nasa 4.2 million ang bilang ng mga walang trabaho at 6.6 million ang naghahanap ng dagdag trabaho, ayon sa rekord ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Isang linggo bago ipatupad ang ECQ noong March 29 sa NCR Plus bubble, ang presyo sa palengke kada kilo ng pork liempo ay nasa P320-P370, ang pork kasim nasa P300-P350, ang bangus nasa P130-P185, tilapia nasa P100-P150, alumahan nasa Php240-Php300, habang ang manok ay nasa P165-P200.
Nitong Biyernes, tumaas ang mga presyo hanggang Php420 sa pork liempo, Php380 sa pork kasim, Php200 sa bangus, Php340 sa alumahan, habang pareho pa rin sa tilapia, at bumaba lamang sa Php130-Php180 ang manok.
Panawagan ni Marcos, hindi dapat mapako sa pa-update-update lang ng E-presyo o online price monitoring, sa halip mas epektibo anya kung linggo-linggong gawin ang suprise inspection ng DTI sa ibat-ibang palengke, at kung may lumabag, agad na sampolan at hulihin. ###

PRESS RELEASE