DALAWANG DRUG PERSONALITIES, TIMBOG; MAHIGIT P100K NA HALAGA NG SHABU NASAMSAM
Sa pagpapatuloy ng anti-illegal drugs campaign ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR), naaresto ang dalawang drug personalities at nasamsam mula sa kanila ang aabot sa PhP109,412.00 na halaga ng pinaghihinalaang shabu sa magkakahiwalay na operasyong isinagawa sa Baguio City at Abra, noong Nobyembre 3, 2025.
Sa Baguio City, timbog ang isang 42-anyos na lalaki na naitala bilang Street Level Individual (SLI) sa ikinasang buy-bust operation na pinangunahan ng Regional Police Drug Enforcement Unit ng PRO CAR, katuwang ang Police Station 9 at City Drug Enforcement Unit ng Baguio City Police Office, Regional Intelligence Division (RID) ng PRO CAR, Special Operations Unit-CAR, Regional Intelligence Unit-14 (RIU-14), at Provincial Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Brgy. San Carlos Heights.
Ayon ulat, naaresto ang suspek matapos siyang magbenta ng dalawang sachets ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na 10.0 grams at may Standard Drug Price (SDP) na PhP68,000.00 sa mga operatiba na nagpanggap bilang poseur buyer.
Samantala sa Abra, isang 43-anyos na lalaki na naitala bilang SLI ang naaresto ng magkasanib na pwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit, Provincial Intelligence Unit, San Isidro Municipal Police Station, 1st at 2nd Abra Provincial Mobile Force Company ng Abra Police Provincial Office, RID ng PRO CAR, RIU-14, Regional Mobile Force Battalion 15, at PDEA-CAR matapos siyang mahuling nagbebenta ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na 3.35 grams at may SDP na PhP22,780.00 sa Brgy. Tangbao, San Isidro.
Dagdag pa rito, habang siya ay inaaresto ay nakumpiska rin ang isa pang sachet ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na 2.74 grams at SDP na PhP18,632.00.
Ang mga suspek at mga nakumpiskang mga ebidensiya ay dinala sa kustodiya ng kaukulang lead operating unit para sa dokumentasyon at wastong disposisyon. Ang mga suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (RPIO PRO CAR /File Photos)
