Cayetano, patuloy na isinusulong ang 10K Ayuda Bill
Isang taon matapos unang ihain ang 10K Ayuda Bill, hinamon ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga mambabatas na unahin ang pagpasa ng mga batas para sa kabuhayan ng mga Pilipino at hindi ang mga batas na magsusulong sa mga bisyong nakasasama.
“Hindi naka-pause ang COVID. We really need to have better programs… We can do something about it now before session adjourns, ” ipinahayag ni Cayetano noong Pebrero 1, 2022.
Wika ng Dating Speaker, dapat unahin ng Senado ang pagkapasa ng Senate Bill No. 2486 o Bangon Pamilyang Pilipino (BPP) Assistance Program Act of 2022 na inihain ni Senador Joel Villanueva nitong Enero 24, 2022.
Pinagtitibay ng nasabing batas ang 10K Ayuda Bill na unang ipinasa ni Dating Speaker Alan Peter Cayetano at ang kaniyang mga ka-alyado sa House of Representatives noong Pebrero 1, 2021.
Ayon sa dating Speaker, mayroong “tunay na pangangailangan” ang mga pamilyang Pilipino para sa direktang pinansyal na ayuda ngayong pandemya. Aniya, kailangang masolusyonan ito ng Kongreso lalo na’t napakaraming mga pamilya at negosyo ang naapektuhan ng mga lockdown.
Ikinakabahala rin ni Cayetano ang maaaring pagsantabi ng Kongreso sa 10K Ayuda Bill upang unahin ang pagbibigay ng prangkisa sa mga e-sabong operators. Tinututulan ng mambabatas ang e-sabong dahil sa masamang epekto nito sa kinabukasan ng mga nalulong dito.
Isinaad din ng dating Speaker na mayroong natitira pang oras ang Kongreso para unahin ang dapat prayoridad nito bago ang huling session nito ngayong Biyernes, Pebrero 4.
“Parang basketball din ‘yan, y’ung last two minutes. Alam naman natin na ‘pag pinush talaga ng Speaker, ng Senate President, at lalo na ng Malacañang, maipapasa ‘yan,” ani Cayetano.###