BCC Christmas Village 2025, Tampok ang Diwa ng Kapaskuhan na ang tema ay “Rising Sun”

Eksklusibong Preview para sa Media
Bilang bahagi ng kanilang taunang tradisyon, inimbitahan ng Baguio Country Club (BCC) ang mga kaibigang mamamahayag sa Bonsai Garden at Christmas Village para sa isang exclusive preview ng kanilang mga tampok na atraksiyon ngayong darating na kapaskuhan.
Sa pamamagitan ng espesyal na pagbisitang ito, nabigyan ng pagkakataon ang mga media partners at ang kanilang mga pamilya na personal na maranasan ang kakaibang ganda at saya ng mga atraksyon ng BCC. Layunin nitong maibahagi nila sa publiko ang kasiglahan at diwa ng nalalapit na kapaskuhan, habang pinupukaw ang pananabik ng mga nais maranasan din ang Christmas magic sa Lungsod ng Baguio.
Ang Baguio Country Club (BCC) ay kilala na tanging five-star resort sa Baguio City at ang Christmas Village ay isa sa mga pinakapinupuntahang destinasyon tuwing Kapaskuhan.
Sa kakaibang tema, mga ilaw, at maaliwalas na klima na hatid nito, patuloy itong nagbibigay ng di malilimutang karanasan sa mga bisita taon-taon.
Ngayong 2025, ang tema ng Christmas Village ay “Rising Sun,” na inspirasyon mula sa kulturang Hapones. Tampok dito ang mga makukulay na disenyo na may dalang kuwento, mga tanawin na nagliliwanag sa gabi, at mga dekorasyong gawa sa recyclable materials bilang bahagi ng eco-friendly na adbokasiya ng BCC.
Ipinakilala ni Andrew Pinero – Client Relations Manager, Baguio Country Club ang mga empleyado ng BCC na magsisilbing nasa likuran ng Christmas Village para sa kaayusan at kapayapaan.
Mga Tampok na Atraksiyon
Maaaring maranasan ng mga bisita ang nativity scene, mga cartoon characters, snowfall experience, carousel ride, ball pit area, at ang tanyag na wishing tree kung saan maaaring mag-iwan ng mga mensahe ng pag-asa at kabutihan.
Ito ay bukas araw-araw mula 10:00 a.m. hanggang 10:00 p.m. sa mga weekday, at hanggang 11:00 p.m. sa weekend.
Ang Entrance Fee: ₱200 para sa mga adult, ₱160 para sa mga bata, at ₱143 para sa mga senior citizen at PWD. Libre ang mga batang 3 taong gulang pababa.
Pinapayuhan ang mga bisita na magsuot ng saradong sapatos at bisitahin ang opisyal na Facebook page ng Baguio Country Club para sa mga anunsiyo, lalo na tuwing may typhoon alerts o masamang panahon.
Sa pagsapit ng Disyembre, ang BCC Christmas Village ay patuloy na magiging simbolo ng pagkakaisa, pag-asa, at pagmamahalan, hindi lamang sa Baguio, kundi sa buong Cordillera at sa bawat Pilipinong naghahangad maramdaman ang tunay na diwa ng Pasko. # Mga larawan at video slot ni Mario Oclaman // Filipino News Sentinel