BBM nagpasalamat sa taos-pusong tulong para sa mga nasalanta ng bagyong ‘Odette’

BBM nagpasalamat sa taos-pusong tulong para sa mga nasalanta ng bagyong ‘Odette’

Ang ilan sa mga volunteers para sa BBM-Sara UniTeam na tuloy-tuloy na nagtutulong-tulong sa isang warehouse sa Taguig para agarang maihatid ang ayuda sa mga nasalanta ng bagyo. Bago pa pumasok ang super typhoon Odette ay maagap nang inihanda ng BBM-Sara UniTeam ang mga ipapahatid na tulong tulad ng bigas, iba’t ibang delata tulad ng sardinas, corned beef, meatloaf, gatas at kape. BBM File Photos

Nagpasalamat si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa taos-puso at maagap na pagtugon ng mga donors at volunteers sa kanyang ikinasang relief mission para sa mga nasalanta ng super typhoon ‘Odette’.

“Nakatutuwang isipin na kahit may pandemya buhay na buhay pa rin sa ating mga Pilipino ang Bayanihan. Nagpapsalamat ako sa mga donors at volunteers dahil sa taos-puso at maagap na pagtulong. Naging mabilis ang ating responde dahil sa inyo. Maraming salamat po,” sabi ni Marcos Jr.

Ayon pa kay Marcos Jr.,  bago pa man nag-landfall ang nasabing super typhoon sa bansa ay abala na ang kanyang tanggapan sa pag-coordinate upang mapre-position ang mga relief goods na ipapamahagi sa mga komunidad na maaaring maapektuhan.

“Mula pa lang ng makita namin sa weather bulletin ng PAGASA ang sakop at lakas ng bagyong ‘Odette’ ay tumutok na kami. Nagpapasalamat tayo sa ating mga kaibigan at mga tagasuporta na walang sawang tumutulong, kayo ang mga tunay na bayani sa panahong gaya nito,” dagdag pa ni Marcos Jr.

Tuloy-tuloy ang pagkakamada sa mga relief packs ng mga volunteers ng UniTeam na ilang araw nang nagrere-pack sa mga warehouse. Mahigit isandaang volunteers ang ngayon ay abala sa gawaing ito at inaasahan pang madaragdagan sa  linggong ito ang kanilang bilang.

Ayon naman sa pahayag ni Atty. Vic Rodriguez, ang chief-of-staff at tagapagsalita ng dating senador, hindi magandang gawain para sa isang tumutulong ang umepal o ‘magpa-pogi’ sa panahon ng kalamidad.

“Hindi baleng walang umeepal na lider-lideran, basta may dumarating na tulong. Mas importante na may nararamdamang tulong ang mga tao kaysa sa ‘nagpapakitang-tulong’ lang,” sabi ni Atty. Rodriguez.

Umaarangkada na rin ang mga convoy ng relief trucks na magpapaabot ng tulong sa mga sumusunod na lugar; Tacloban City, Surigao, Cagayan De Oro, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Samar, Leyte, Masbate, Bohol,Cebu Province, at Cebu City. ###

PRESS RELEASE