Anim na plantasyon natuklasan; P1M na halaga ng mga tanim na Marijuana, sinunog

Dahil sa patuloy na pagsasagawa ng mga kapulisan ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) ng marijuana eradication operation sa buong rehiyon ay umabot sa isang milyong pisong halaga ng mga tanim na marijuana ang nadiskubre sa anim na plantasyon sa lalawigan ng Benguet at Kalinga noong Hunyo 15, 2025.

Sa bayan ng Kibungan, Benguet, apat na plantasyon ang natuklasan sa Barangay Badeo at Tacadang. Nakuha mula rito ang 1,150 fully grown marijuana plants (FGMJP) at 3,000 marijuana seedlings na lahat ay nagkakahalaga ng PhP350,000.00.
Ang nasabing operasyon ay isinagawa ng magkasanib na operatiba mula Kibungan Municipal Police Station (MPS), Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Benguet PPO, Regional Intelligence Unit 14, Regional Intelligence Division ng PRO CAR , at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)- CAR.

Samantala, isa pang plantasyon ang nadiskubre sa Sitio Bullisay, Barangay Kayapa, Bakun, kung saan sinunog ang 250 FGMJP na may Standard Drug Price (SDP) na PhP50,000.00 ng mga operatiba mula Bakun MPS, PDEU at PIU ng Benguet PPO, RIU 14, at PDEA-CAR.
Sa lalawigan naman ng Kalinga, nadiskubre ang isang plantasyon sa Barangay Loccong, Tinglayan, kung saan sinunog ang 3,000 FGMJP na may SDP na PhP600,000.00. Ang nasabing operasyon ay naging matagumpay sa pagtutulungan ng pinagsanib na operatiba mula Tinglayan MPS, PDEU, 1st at 2nd Kalinga Provincial Mobile Force Companies at PIU ng Kalinga PPO, Regional Mobile Force Battalion 15, at PDEA-Kalinga.
Matapos ang wastong dokumentasyon, agad na binunot at sinunog ang lahat ng tanim na marijuana. Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga operatiba upang matukoy ang iba pang posibleng taniman sa mga karatig-lugar, gayundin ang mga nasa likod ng iligal na gawaing ito. (RPIO PRO CAR/File Photos)