Ang Unang Moryon: Si Bentong at si Padre Dionisio Santiago
Mogpog, Marinduque – Nang nakaraang Lunes Santo (Marso 30) ay pinalabas ang dulang pang-entablado sa Town Plaza, alas siyete ng gabi, “Ang Unang Moryon.” Ang may-akda ng dula ay si Ma. Filipina Manoos ayon sa salaysay, pasalita o oral na kasaysayan at historikal na datos ng kasalukuyang punong bayan si Senen Livelo Jr.
Ayon sa paanyaya ng Mogpog Tourism office, “Inaanyayahan ang lahat na makiisa at masaksihan ang kauna-unahang pagsasadula ng Unang Moryon dito sa bayan ng Mogpog ngayong darating na Holy Week.” Dagdag pa nila, “Isang makabuluhang pagtatanghal na magbabalik-tanaw sa pinagmulan ng Moryonan, isang tradisyong malalim ang ugat sa ating kultura, kasaysayan, at pananampalataya. Sa pamamagitan ng dulang ito, ating mas mauunawaan ang kwento sa likod ng maskara at ang kahalagahan nito sa pagkakakilanlan ng bawat Mogpognon.”
Katulad ng paanyayang, “Halina’t maging bahagi ng natatanging gabing ito ng sining at debosyon” ang dula ay naglalayong maglahad ng pinagmulan ng moryonan at gayundin spang mapagpanibago ang pananampalataya bilang Katoliko at Kristyano. Kaugnay nito, ang Unang Pitong Moryon, bagamat hindi direktang tinukoy sa dula ay sina: Castor Luna (sakristan mayor) longhino, Reginio Labao, Fernando Lagran, Andres Arceo, Santiago Marciano, Jacinto Lagustan at Capitan Buñag.
Pinagbigay alam din sa Samahang Moryon ng Mogpog, nagsimula na din sila ng paggalugad ng mga lumang tala tungkol sa mga moryon sa bayan ng Mogpog sa inisyatiba nina Maria Go, Payaso Silvestre, Gilbert Monsanto at Lokal na Pamahalaan ng Mogpog. Inumpisahan nila ang Project PANATA nitong nakaraang Semana Santa para sa digital na pagpapanatili ng moryonan para madokumento at mabigyan ng dangal ang mga moryon ng Mogpog. Sa katagalan, matutungnayan ang mga public profile ng nakatalang moryon, madidiskubre ang mga kwento sa likod ng maskara, natatalunton ang mga taon ng panata at paglahok sa moryonan at mababatid ang kultural na pamana ng tradisyon ng moryonan.
Nakakatuwang banggitin ang gumanap na Bentong, ang unang moryon na dating sakristan at kampanero ni Fr. Dionisio Santiago ay lolo ni Giovanni Mangui, batay sa tala, ang tatay ni Lydia Lagustan, si Exaltacion Lagustan Abano, namana ni Danny Mangui, minana ng mga mag-uukit sina Totie at Odelon Mangui. Si KingWindly Tan ay apo sa talampakan ang gumaganap ng Bentong, ang unang moryon.
Isang makulay at masayang pagsisimula ng selebrasyon, punong-puno ng saya, tradisyon, at pagkakaisa ng bawat isa! Sa bawat hakbang at pagpapakita ng mga kultura, muling nabubuhay ang ating bayan at pananampalataya. Hindi lang ito palabas, ito ay kwento ng pinagmulan, identidad, at pagmamalasakit sa tradisyon na ipinapasa sa bawat henerasyon. Isang malaking saludo kay Bentong na nagbigay-buhay sa karakter at nagpasiklab sa unang araw ng ating pagdiriwang! Tunay na kahanga-hanga ang dedikasyon at husay! Ngayon ay hindi na isang tanong lamang kung sino ngani baga talaga ang Unang Moryon, ang lahat ng tanong ay nasagot na at ang Unang Moryon ay si “Bentong” # Randy T. Nobleza, Ph.D.
