MySSS Card: Isang Card, Mas Maraming Ginhawa
Sa panahon ngayon, halos lahat ay gusto nating gawing mas simple. Online ang pamimili, online ang bayaran, online ang pag-check ng bank account. Kaya naman kung ang isang SSS member ay may pagkakataong gawing mas simple ang pagtanggap ng kaniyang benepisyo at loan proceeds, bakit hindi natin subukan?
Dito pumapasok ang MySSS Card.
Ang MySSS Card ay higit pa sa isang identification card. Isa rin itong functional debit card na may EMV chip at konektado sa savings account ng miyembro sa isang SSS partner bank. Ito na rin ang pumapalit sa dating UMID card bilang bagong functional ID ng SSS.
Mas magandang balita: kapag mayroon ka nang MySSS Card, ang kaugnay na bank account ay awtomatikong magiging pangunahing disbursement account mo para sa SSS benefits, loans, at iba pang proceeds. Hindi na kailangang mag-enroll sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM).
Paano ito makukuha?
Una, siguraduhing permanent ang iyong SS number, mayroon kang aktibong My.SSS account, at updated ang iyong local address, mobile number, at email address sa records ng SSS. Kailangan din nakarehistro ka sa National ID System, at magkatugma ang iyong pangalan at birthday sa SSS at National ID records.
Kapag handa na ang lahat, mag-log in sa iyong My.SSS Member Portal. Pumunta sa Services, piliin ang MySSS Card, at suriin ang iyong personal information. Kung may kailangang baguhin, ayusin muna ito bago magpatuloy.
Susunod, ibigay ang consent para sa identity verification gamit ang National ID eVerify at sa paggamit ng iyong larawan mula sa National ID. Isasagawa rin ang facial scan bilang bahagi ng authentication process.
Pagkatapos nito, piliin ang iyong preferred SSS partner bank, basahin at tanggapin ang terms and conditions, at ibigay ang consent para sa kinakailangang data sharing sa pagitan ng SSS at ng partner bank.
Hindi pa dito nagtatapos ang proseso. Pagkatapos ng online application sa My.SSS, kailangan mong mag-open ng bank account sa napili mong partner bank. Depende sa banko, maaari itong gawin online gamit ang kanilang mobile app o sa pamamagitan ng pagpunta sa branch. Mayroon ding kaukulang bank verification at posibleng card fee, depende sa partner bank.
Kapag matagumpay nang nabuksan ang account, ang partner bank na ang gagawa at maglalabas ng iyong MySSS Card. Ayon sa SSS, ang target release ay hanggang 15 working days sa Metro Manila at hanggang 20 working days sa mga lugar sa labas ng Metro Manila, matapos matagumpay na mabuksan ang account.
At narito ang isang mahalagang paalala: hindi kailangang pumunta sa SSS branch para sa biometrics. Gagamitin ang larawan mula sa National ID para sa MySSS Card application.
Sa kasalukuyan, ang MySSS Card ay inilalabas sa pamamagitan ng SSS partner banks, at nagsimula ang rollout nito sa RCBC. Inaasahang madaragdagan pa ang mga partner bank upang mas maraming miyembro ang magkaroon ng pagpipilian.
Kaya kung matagal mo nang iniisip kung paano mapapadali ang pagtanggap ng iyong SSS benefits at loan proceeds, maaaring panahon na para tingnan ang iyong My.SSS account.
Isang card para sa pagkakakilanlan. Isang bank account para sa disbursement. At isang hakbang tungo sa mas mabilis at mas digital na serbisyo.
Sa SSS, hindi lamang sigurado ang bukas kundi mas madali rin itong abutin.
Kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan, magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph. Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph at SSS Hotline 1455 para sa inyong concerns at katanungan.
