69 Taon ng SSS: Mas Malapit, Mas Makabuluhan, Mas Maaasahan

69 Taon ng SSS: Mas Malapit, Mas Makabuluhan, Mas Maaasahan

Christian Andrew Rillorta – Senior Communications Analysts

Ngayong Setyembre, ipinagdiriwang ng SSS ang ika-69 na anibersaryo nito. Mula nang magsimula itong maglingkod noong 1957, patuloy itong umaangkop sa nagbabagong pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino.

Sa nakalipas na isang taon, pinaigting ng SSS ang paghahatid nito ng mas mataas na benepisyo, mas abot-kayang programa, mas malawak na coverage, at mas mabilis na serbisyo.

Kabilang sa mahahalagang hakbang ang pagpapatupad ng Pension Reform Program, ang kauna-unahang multi-year pension increase sa kasaysayan ng SSS. Sa ilalim nito, nakatakda ang taunang pagtaas ng pensiyon mula 2025 hanggang 2027. Sa ikalawang tranche, tumaas ng 10 porsiyento ang pensiyon ng retirement at disability pensioners, habang 5 porsiyento naman ang itinaas para sa death at survivor pensioners.

Mas maaga ring ipinatupad ng SSS ang pension increase para sa 2026—mula Setyembre patungong Hunyo—upang makatulong sa mga pensioner sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Humigit-kumulang 4.1 milyong pensioner ang sakop ng ikalawang tranche ng pension increase.

Para naman sa mga miyembrong nangangailangan ng agarang tulong pinansyal, ibinaba ng SSS ang interest rate ng Salary Loan mula 10 porsiyento tungo sa 8 porsiyento. Naging 7 porsiyento naman ang interest rate ng Calamity Loan at ng Emergency Loan Program, na may anim na buwang moratorium sa pagbabayad ng loan amortization.

Inilunsad din ang Micro Loan Program para sa mga miyembrong nangangailangan ng maliit ngunit agarang puhunan o panggastos. Maaaring umutang ang mga kwalipikadong miyembro ng halagang mula ₱1,000 hanggang ₱20,000, na may repayment period na 15 hanggang 90 araw at interest rate na 8 porsiyento kada taon. Patuloy ding pinalalawak ang Pension Loan Program para sa mga kwalipikadong retirement at surviving spouse pensioners.

Kasabay nito ang patuloy na digital transformation ng SSS. Ang MySSS Card ay nagsisilbing SSS identification card at maaari ring gamitin bilang disbursement account, upang gawing mas simple ang pagtanggap ng mga benepisyo at loan proceeds.

Patuloy ding itinataguyod ng SSS ang MySSS Pension Booster, isang voluntary retirement savings program para sa mga miyembrong nais madagdagan ang kanilang ipon para sa pagreretiro. Noong 2025, tumaas ng 21.8 porsiyento ang kontribusyon sa programa, mula ₱574 milyon noong 2024 tungo sa ₱699 milyon.

Mahalaga rin sa SSS ang pagpapalawak ng social security coverage. Sa pakikipag-ugnayan nito sa mga ahensya ng gobyerno, mahigit 500,000 Job Order workers ang nairehistro sa SSS, habang mahigit 200,000 naman ang regular nang naghuhulog ng kontribusyon. Pinalalakas din ng ahensya ang pakikipagtulungan sa mga kooperatiba at iba pang sektor upang mas maraming manggagawa ang mabigyan ng proteksiyong panlipunan.

Patuloy rin ang Run After Contribution Evaders o RACE operations upang matiyak na naipapasa at naire-remit nang tama ng mga employer ang kontribusyon ng kanilang mga manggagawa. Layunin nitong protektahan ang karapatan ng bawat empleyado sa social security coverage at sa mga benepisyong nararapat sa kanila.

Sa loob ng 69 na taon, patuloy na umuunlad ang SSS tungo sa mas digital, accessible, at member-centered na serbisyo. Higit sa pagiging tagapagkaloob ng benepisyo, nananatili itong katuwang ng mga Pilipino sa panahon ng pagkakasakit, panganganak, pagkawala ng trabaho, kapansanan, kalamidad, at pagreretiro.

Sa ika-69 taon ng SSS, patuloy ang hamon: mas maraming Pilipino ang maabot, mas maraming pamilya ang maprotektahan, at mas maraming kinabukasan ang masigurado.

Sapagkat ang tunay na halaga ng social security ay hindi nasusukat sa edad ng institusyon, kundi sa tiwalang ibinibigay ng milyun-milyong Pilipino na ang kanilang kinabukasan ay may SSS na maaasahan.

Kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan, magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph. Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph at SSS Hotline 1455 para sa inyong concerns at katanungan.

###

PRESS RELEASE