Tumatanggap na ng mga Panukala para sa ika-48ng Kumperensiya ng UGAT tungkol sa Aghamtao ng mga Ugnayan
Iligan, Lanao del Norte – Tumatanggap na ang UGAT (Ugnayang Pang-AghamTao) ng mga proposal para sa ika-48 nitong taunang kumperensiyang internasyonal. Ang tema ng kumperensya ay Katawhan, Kaugnayan, Kailian: Aghamtao ng mga Ugnayan. Gaganapin ang kumperensya sa Nobyembre 18-21, 2026 sa Mindanao State University-Iligan Institute of Technology (MSU-IIT) sa Iligan City. Ang MSU-IIT ang katuwang ng UGAT para sa kumperensiya ngayong taóng ito. Magsasara ang pagtanggap ng mga proposal sa Hunyo 26, 2026.
Inaasahang maisusulong ng tema ang pagpapalalim sa mga pang-araw-araw na ugnayan sa iba’t ibang antas ng pagbubuo ng mga komunidad at mga gawaing nagsusulong ng katarungang panlipunan. Binibigyang-diin ng kumperensiya ang katangi-tanging karakter ng unlaping ‘ka-‘ at ng mga varyant nito sa maraming wika ng Pilipinas na pinag-uugatan ng iba’t ibang kontexto ng pakikiisa at pakikisangkot sa mga paraang hindi napapansin sa araw-araw na búhay at madalas ay hindi nabibigyan ng kaukulang pansin sa iskolarship, dahil na rin sa pagiging pang-araw-araw ng pagsasabúhay ng ‘ka-‘.
Ka-, unlapi ng maraming wika sa Pilipinas at wikang Austronesiano. Ka-, unlaping nag-uugnay, nagdurugtong, nagbibigay-diin. Ka-, unlaping nagbubuo ng mga salita, kaisipan, praktis, panahon, daloy, patutunguhan, saklaw, at sipat. Ka-, unlaping idinidikit sa ugat ng mga salita na nagbibigay-saysay sa pagkabuo ng mga nagkakaisa at nagsasalungatang kahulugan at kabuluhan. Ka-, unlaping pinag-uugatan ng ugnayan ng tao sa lahat ng ginagalawan nitong espasyo at panahon: sarili, kapwa, pamilya, kabahayan, etnisidad, ili, paligid, bayan, kalikasan, sansinukob, kalibutan, kabilang-búhay, ibang-búhay, kamalayan. Ka-, unlapi ng mga ugat.
Ang pag-aaral ng ‘ka-‘ ang tema ng ika-48 taunang kumperensya ng UGAT upang siyasatin, palalimin, at palawakin ang mga dalumat ng mga ugnayan. Halaw ang paksang ito sa sanaysay na pinamagatang “Katutubong Kaalaman at Kakayahan (KKK): Isang Ulat mula sa ‘Republika ng Kalibugan’,” na isinulat ni Propesor Ponciano Bennagen, pangulong tagapagtatag ng UGAT, na inilathala sa AghamTao noong 2015. Binanggit niya sa artikulong ito ang malawakang paggamit ng relasyonal na unlaping ‘ka-’ sa mga wika ng Pilipinas.
Katawhan. Binisaya. Sumasaklaw sa tao (tau, taw, tawo, tawu; ‘humanidad’) at sa mga pagpapakahulugan sa pagkatao batay sa mga konseptong bernakular at katutubong kaalaman. Umiinog ang katawhan sa iba’t ibang uri ng lunan, lugar, at panahon ng pagiging tao.
Kaugnayan. Tagalog. Tungkol sa pagpapangkat ng tao sa maraming uri ng relasyon, koneksiyon, hugpungan, network, katipunan, at kilusan na nagpapatibay ng mga pagkakaisa. Tinuturol din nito ang Panawagan para sa mga Proposal | Ika-48 na Taunang Kumperensiyang Internasyonal ng UGAT, ang mga kontradiksyon at salungatan, na mga uri rin ng ugnayan, bagama’t binabalikwas ang pag-uugnay, tulad ng mga pagbubuwag at pagbabaklas.
Kailian. Ilokano. Pagpapahayag ng tinubuang lupa o kinabibilangang pamayanan at mga itinatag na komunidad ng mga tao. Nagsisilbi ito bilang kadluan ng kasaysayan at bukal ng identidad. Bukod sa katangiang heograpiko, ipinahihiwatig ng salitang ugat na ili ang mga komunidad ng mga interes, na nakasandig sa alinman sa etnisidad, uri, sektor, gender, at umuusbong na alyansa ng mga pakikisangkot at pakikipagtunggali.
Para sa karagdagang detalye at impormasyon, maaaring bisitahin ang opisyal na website ng UGAT at sundan ang Facebook page para sa mga anunsyo. Maaari ring malaman ang tungkol sa host at venue sa opisyal na website ng MSU IIT. # Randy T. Nobleza, Ph.D.
