Kapabilidad ng Ph Navy sa depensa sa WPS, nanatiling malakas
SAN MATEO, Isabela– Kumpyansa ang pwersa ng Philippine Navy na malakas ang pagdepensa nito sa West Philippine Sea (WPS) laban sa bansang China ayon kay Capt. Roald Keith T. Tañaedo, Philippine Navy, mula sa Northern Luzon Naval Command. Ang pahayag ay isinalaysay ni Tañedo sa isinagawang ika-111th Up Up Cagayan, isang pulong pambalitaang programa ng Tactical Operations Group 2 (TOG2) sa Siyudad ng Cauayan, Isabela, na ginanap sa Multipurpose Hall, Enero 28. Ito ay dinaluhan ng iba’t ibang mamamahayag sa diyaryo at radio sa Probinsya ng Isabela.
Ayon kay Tañaedo, ang tuloy-tuloy na modernisasyon na isinasagawa sa kasalukuyan ay dumadagdag sa kapabilidad ng kanilang pwersa laban sa tensyon na idinudulot ng tangkang pag-angkin ng bansang China sa WPS.
“Improving po kasi tayo, ang kapabilidad at kapasidad po ng ating buong bansa, hindi lang ng Philippine Navy. Tuloy-tuloy po kasi ang modernisasyon po natin. Kung mapapansin niyo po, nagmo-modernize ang Navy, meron din pong programang modernization ang Coast Guard, ang BFAR, ganoon din po ang iba’t ibang component ng Armed Forces of the Philippines”, salaysay ni Tañaedo.
Aniya, buo ang porsyento ng pagsuporta at pagsisiguro ng AFP sa seguridad ng bansang Pilipinas.
“Mas maganda po ang kapabilidad natin ngayon tulad po unang-una sa monitoring natin. Namo-monitor po natin lahat ng mga aktibidad dito sa ating karagatan hindi lamang sa West Philippine Sea. Ganoon din po sa hilagang bahagi hanggang Batanes o ang pinaka-hilagang isla po natin na Mavulis Ganoon din po dito sa may silangang bahagi ng Luzon. At umaabot din ang ating monitoring hanggang sa pinaka-timog na bahagi ng Pilipinas, border din po ng Pilipinas at Malaysia”, dagdag ni Tañaedo.
Samantala, hindi umano nakakaapekto sa sitwasyon ng WPS ang isinagawang pagsagip ng mga miyembro ng China Coast Guard sa mga Pilipinong crew ng M/V Devon Bay na lumubog malapit sa Scaborough Shoal. Ayon kay Tañaedo, isa sa mga responsibilidad ng Navy at Coast Guard ang tumulong sa mga nangangailangan lalo na sa mga emergency sa karagatan kaya’t wala itong epekto at isyu tungkol dito.# Mae Barangan
