KWF Tagapangulo Atty. Marites A. Barrios-Taran, Opisyal na Nakipagpulong sa Campus Director ng Aklan State University (ASU)-New Washington Campus Director na si Prof. Francis I. Renacido

KWF Tagapangulo Atty. Marites A. Barrios-Taran, Opisyal na Nakipagpulong sa Campus Director ng Aklan State University (ASU)-New Washington Campus Director na si Prof. Francis I. Renacido

Pormal na nakipagpúlong si Atty. Marites A. Barrios-Taran (Tagapangulo ng KWF) sa Campus Director ng Aklan State University (ASU) – New Washington na si Prop. Francis I. Renacido ngayong 11 Disyembre 2025. Nagsimula ang opisyal na pagbisita sa isang courtesy call na nagbigay-daan sa produktibong púlong na tumalakay sa mga programa at kooperasyong magpapaigting sa pagsusulong ng wika sa lalawigang Aklan.

Sa makabuluhan at produktibong púlong ng dalawang opisyal, tinalakay at pinagtibay ng dalawang panig ang sumusunod na inisyatiba: (1) MOU Renewal na nauukol sa pagpapadala ng KWF ang Memorandum of Understanding sa 15 Disyembre 2025 ukol sa pagtatayo ng Bantayog Wika para sa wikang Akeanon; (2) Pagdaraos ng Seminar sa Korespondensiya Opisyal (SKO) at lektura hinggil sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 para sa mga kawani ng ASU at mga lokal na yunit ng pamahalaan; (3) Pagkakaroon ng Kapasiyahan ng Kalupunan ng Komisyoner ng KWF hinggil sa “Aklanon” vs “Akeanon;” (4) Proyektong Diksiyonaryong Akeanon (App at Printed), MTB-MLE; at (5) Paglulunsad ng Roaming Library ng KWF.

Nagtapós ang púlong sa isang campus tour na pinangunahan ni Campus Director Renacido kasama ang Tagapangulong Barrios-Taran, at mga kawani ng KWF at ASU sa mga makasaysayang lugar sa New Washington. Binisita nila ang Pink Sisters Convent para sa pagninilay at panalangin at Museo Kardinal (Cardinal Sin Museum) na nagsisilbing sinupan ng mahahalagang memorabilia na naging mahalaga sa búhay ng bantog na Kardinal ng Maynila. #

PRESS RELEASE