MAHIGIT P1.6 MILYONG HALAGA NG MARIJUANA, SINUNOG; ISANG DRUG PERSONALITY, ARESTADO SA KALINGA

MAHIGIT P1.6 MILYONG HALAGA NG MARIJUANA, SINUNOG; ISANG DRUG PERSONALITY, ARESTADO SA KALINGA

Muling naging matagumpay ang pagpapatupad ng marijuana eradication operation ng mga kapulisan mula sa Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) matapos makumpiska ang tinatayang P1.6 milyong halaga ng tanim na marijuana at maaresto ang isang suspek na nahulihan ng pinaghihinalaang shabu.

Ayon sa ulat mula sa Regional Operations Division ng PRO CAR, isinagawa ang magkahiwalay na operasyon sa lalawigan ng Kalinga noong Nobyembre 6, 2025. Sa operasyon, natuklasan ng mga kapulisan ang isang plantasyon ng marijuana na may tinatayang 8,000 fully grown marijuana plants na may Standard Drug Price (SDP) na PhP1,600,000.00 sa Barangay Loccong, Tinglayan, Kalinga.

Ang nasabing operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng 2nd Kalinga Provincial Mobile Force Company, Tinglayan Municipal Police Station (MPS), Provincial Drug Enforcement Unit, at Provincial Intelligence Unit ng Kalinga Police Provincial Office, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency–CAR.

Lahat ng nadiskubreng tanim na marijuana ay agad sinunog ng mga operatiba sa mismong lugar ng operasyon. Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang posibleng taniman ng marijuana sa mga karatig-barangay, gayundin ang mga indibidwal na responsable sa ilegal na pagtatanim.

Samantala, naaresto ang isang 46-anyos na lalaki sa mabilis na aksyon ng Rizal MPS matapos magdulot ng serye ng insidente at mahulihan ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu.

Batay sa ulat ng Rizal MPS, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang lalaki na nagrereklamo dahil di umano’y binato ng suspek ang kanyang sasakyan sa kahabaan ng Kinama Road, Barangay Kinama, at agad tumakas. Sa kanyang pagtakas, muling nakabangga ang suspek ng tatlong tricycle sa Barangay San Pedro, Rizal.

Muli sanang tatakas ang suspek ngunit pinigilan siya ng mga driver ng tricycle. Dahil dito, bumaba ito ng sasakyan at tumakbo patungo sa isang palayan, kung saan siya hinabol at naaresto ng mga rumespondeng pulis.

Sa isinagawang body search, nakuha mula sa suspek ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na 0.05 gramo at may SDP na PhP340.00.

Dinala sa kustodiya ng Rizal MPS ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa dokumentasyon at tamang disposisyon. Mahaharap ang suspek sa kasong Multiple Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property at paglabag sa Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (RPIO PRO CAR / File Photo)

PRESS RELEASE