Pagdiriwang ng Buwan ng Pagkamalikhain tinanghal sa “Creative Tourism Conference”

Binuksan ang kumperensiya ng Creative Tourism sa makasaysayang Metropolitan theater noong Setyembre 3 sa pamamagitan ng simbolikal na pagsasalin sa musa ng pagkamalikhain ng kalihim ng Turismo at pinuno ng Tourism Promotions Board. Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Philippine Creative Industries Month (PCIM), dinaos ang Creative Tourism Conference sa pangunguna ng Kagawaran ng Turismo (DOT) at Tourism Promotion Board (TPB).

Nagbigay ng pambungad na mensahe ang tagapangulo ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), habang naglahad naman ng datos si Direktor Lilian Salonga, mula są Bureau of Competitive Development ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya (DTI). Naglaan din ng masiglang talumpati si Chief Operating Officer Marga Nograles. Ang nagsilbing susing tagapagsalita ay walang iba, kundi ang kalihim ng DOT Cristina Garcia Frasco.
Nagkaroon din ng mga plenaryong sesyon tungkol sa Content Tourism, new media at storytelling at pagbibigay pagpapahalaga sa mga kababaihan sa turismo. Mayroon din mga sabayang sesyon sa MICE, sustenabilidad, teatro, disenyong pang-produksyon, placemaking at NexGen na turismo at pagkamalikhain. Interesante din ang binahagi ni Ivan Henares ng NCCA at UNESCO Commission sa Pilipinas tungkol sa Creative Cities Network.
Kasama naman sa ikalawang araw, Setyembre 4 ang plenaryong sesyon tungkol sa branding at storytelling at tech-driven tourism. Tampok din ang panel na talakayan ang mga kinatawan ng Baguio Creative Council, District 32 ng Mactan, Cebu, UNESCO Creative City of Iloilo, DOT at British Council Philippines.
Nagbibigay ng mga mensahe ang punong lungsod ng Maynilla, si Francisco Moreno Domagoso at ang kinatawan ng ikatlong distrito ng Negros Occidental, si Javier Miguel Benitez bilang pagpipinid ng kumperensiya. ### Randy T. Nobleza Ph. D.