Buong Suporta at Mainit na Pagtanggap ng Pamantasang Normal ng Cebu (Cebu Normal University) sa Bagong Liderato ng KWF
Noong 28 Agosto 2025, naging mainit ang pagtanggap ng Pamantasang Normal ng Cebu (CNU) sa pagbisita ng bagong Tagapangulo ng KWF na si Atty. Marites A. Barrios-Taran kasama ang Fultaym Komisyoner sa Programa at Proyekto na si Dr. Carmelita C. Abdurahman.


Sa pangunguna ng Pangulo ng CNU na si Dr. Daniel A. Ariaso Sr., dumalo sa programa sina Dr. Allan Roy B. Elnar, Vice President for Administration, Finance, and External Affairs at Campus Director CNU-Medellin Campus, Dr. Meshel B. Balijon, Vice President for Academic Affairs and Internationalization, mga miyembro ng Academic Council, Dr. Trina Marie A. Catipay, SWK Direktor, at Dr. Lita A. Bacalla, dating SWK Direktor kasama ang pamunuan ng SAGIP-WIKA.

Sa pambungad na mensahe ni CNU Pangulong Ariaso, anya, “Ang Pamantasang Normal ng Cebu, asahan ninyo po Kagalang-galang Tagapangulong Barrios-Taran, na kami po ay sumusuporta sa inyong liderato, sa inyong administrasyon at sa buong KWF.”
Dagdag ni Dr. Elnar ang kagalakan ng CNU sa mga isinagawa at isasagawa pang kolaborasyon sa mga gawain tungo sa pagpapaunlad ng wika, panitikan, at pagsasalin katuwang ang KWF.
Tinugon ni Tagapangulong Barrios-Taran ang plano ng KWF sa pagbibigay ng libreng pagsasanay sa CNU para sa pagtataguyod ng Atas Tagapagpaganap Blg. 335 na nag-aatas sa mga ahensiya at lokal na yunit ng pamahalaan na gamitin ang Filipino bílang wika ng serbisyo publiko. Layunin nito na ang CNU, makaraang dumaan sa pagsasanay ng KWF, ay magkaroon ng kapasidad na magsanay ng iba pang ahensiya, institusyon, at unibersidad. Kabilang dito ang pagsasanay sa Paghahanda ng Korespondensiya Opisyal, Ortograpiyang Pambansa, at Batayang Pagsasalin.

Ipinabatid din ni Tagapangulong Barrios-Taran ang Batas Republika 11106 na nagtatakda na ang pambansang wikang senyas ng Pilipinas ay Filipino Sign Language o FSL. Kaugnay nito, makikipag-ugnayan din ang KWF upang magkaroon ng Yunit ng FSL sa CNU. Dagdag pa niya, muling tatalakayin ang pagbuo ng Diksiyonaryo sa Wikang Sebwano.
Iginiit naman ni Komisyoner Abdurahman ang kahalagahan ng pananaliksik sa wika upang higit pang mapasigla ang wika lalo na ang mga nanganganib nang maglaho. Kaniya ring kinilala ang pagsisikap ng mga SWK Direktor sa pagtataguyod ng mga programa at proyektong pangwika. ###
