Dalawang High Value Targets, Arestado; Mahigit P1M na Halaga ng Iligal na Droga, Nakumpiska

Bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) laban sa iligal na droga, naaresto ang dalawang high value drug personalities at nakumpiska ang nasa PhP1,341,942.00 na halaga ng iligal na droga sa serye ng mga operasyon na isinagawa sa Benguet at Mountain Province noong ika-18 ng Hunyo, 2025.
Sa Benguet, natuklasan ang apat na plantasyon na natamnan 3,400 fully grown marijuana plants at 4,000 marijuana seedlings na may kabuuang Standard Drug Price (SDP) na PhP840,000.00 sa isinagawang marijuana eradication operation sa Brgy. Badeo at Brgy. Tacadang, Kibungan.
Ang operasyong ito ay isinagawa ng mga operatiba mula sa 2nd Benguet Provincial Mobile Force Company, Kibungan Municipal Police Station (MPS), Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) at Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Benguet Police Provincial Office (PPO), Regional Intelligence Unit-14 (RIU-14) , Regional Intelligence Division ng PRO CAR, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-CAR.
Lahat ng nadiskubreng tanim na marijuana ay agad na binunot at sinunog matapos ang kaukulang dokumentasyon. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang posibleng plantasyon ng marijuana sa probinsya at upang mahuli ang mga indibidwal na responsable sa pagtatanim nito.
Samantala, sa Mountain Province ay naaresto ang dalawang drug personalities sa isinagawang magkahiwalay na implementasyon ng search warrant.
Isang 28-anyos na lalaki, na naitala bilang High Value Individual (HVI), ang naaresto sa Brgy. Maba-ay, Bauko, matapos madiskubre sa kanyang tirahan ang 13 sachet ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na 55 grams at SDP na PhP374,000 at iba pang drug paraphernalia.
Isa namang 43-anyos na lalaki, na natukoy bilang HVI, ang naaresto sa parehong barangay matapos marekober mula sa kanyang tirahan ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na 5 grams at SDP na PhP34,600.00, isang improvised glass tooter na naglalaman ng 15ml na pinaghihinalaang liquefied Methamphetamine hydrochloride na may SDP na PhP93, 942.00, assorted drug paraphernalia, isang caliber .45 pistol, Isang magazine, at tatlong bala.
Ang operasyong ito ay naging matagumpay sa pagtutulungan ng mga operatiba ng PIU at PDEU ng Mountain Province PPO, Bauko MPS, RIU-14, at PDEA-Mountain Province.
Ang mga suspek, kasama ang mga nakumpiskang ebidensya, ay dinala sa kustodiya ng Bauko MPS para sa kaukulang dokumentasyon at wastong disposisyon. Sila ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang ang isa sa kanila ay may karagdagang kaso na paglabag sa Republic Act No. 10591, o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (RPIO PRO CAR/ File Photos)