30 taon ng Mahal na Puso ni Hesus tampok ang Talento, Hermanidad at Nakatatanda

Marinduque, Philippines – Sa darating na Hunyo 23 ay ipagdiriwang ang ika-30 taong Pagkakatatag ng Parokya ng Banal na Puso ni Hesus. Para sa taong ito, ang tema ng pagdiriwang ay “Mahal na Puso ni Hesus: Tatlumpung Taong Bukal ng Biyaya, Pintig ng Pag-asa, Sandigan ng Simbahan ng mga Dukha.”
Nagsimula noong Hunyo 14 ang misa nobenaryo sa pamumuno ni Fr. Senen Milambiling, Fr. Reynel Sajul at Rev. Msgr. Ramon Magdurulang. Ang kasunod na misa ng Hunyo 15 ay pinamunuan ng Kura Paroko Fr. Eulogio Mangui.
Ang mga sumunod na misa ay pinangasiwaan ng mga naging pari, seminarista at tumahan sa Parokya ng Banal na Puso kagaya nina Fr. Jovin Grimaldo at Fr. Lino Solsona (Hunyo 16), Fr. Nicanor Feranco Jr at Fr. James Janda (Hunyo 17), Fr. Ian Retardo at Fr. Benigno Bonode (Hunyo 18), Fr. Martin Puertollano Jr. Fr. Christian San Juan, Fr. Arvin Anthony Madla at Fr. Louisse Riego (Hunyo 20), sina Fr. Juan Pedro Recalde Jr., Fr. Jervy Lumalang at Fr. Richard Landig (Hunyo 21), Fr. Mangui (Hunyo 22) at Fr. Elino Esplana kasama ang kaparian ng Diyosesis ng Boac.
Nakikiisa din ang mga barangay mula sa Poras, Tabi, Lupac, Tabigue, Buliasnin, Maligaya, Pili at Balogo sa mga gawain ng Parokya ng Banal na Puso ni Hesus. Nang Hunyo 19 ay nagkaroon ng “Sacred Heart Got Talent” kasali ang mga kabataan mula sa mga nabanggit na barangay. Sa anyo ng sayaw at awit, nagpakita ng talento ng mga taga Kabilang-ilog. Nagsilbi namang hurado sina Bernice Garcia, Renelyn Montalban Lamboloto at Dr. Randy Nobleza. Sina Ismael Leal at Marife Madla naman ang nagsilbing tabulator at si Marvin Ypanto ang naging tagapagpadaloy ng programa sa Sacred Heart Got Talent.
Magkakaroon din ng Gabi ng Parokya, kasama ang mga naging kura paroko at naging hermano o hermana simula noong 1995 nang maitatag ang Banal na Puso ni Hesus. Mayroon din pagbibigay ng pugay sa mga nakatatanda sa Parokya na umabot sa 90 o higit pa. Ngayong taon ay si Famy Mariquina at kanyang pamilya ang hermano mayor para sa ika-30 taong ng pagkakatatag ng Parokya ng Banal na Puso ni Hesus. ### Randy T. Nobleza Ph.D.