Kaso ng “labor abuse” sa mga food delivery riders, dapat aksyunan – Hontiveros

Nanawagan si Senadora Risa Hontiveros sa Department of Labor and Employment (DOLE) na agad imbestigahan at aksyunan ang mga napabalitang insidente ng “labor abuse” laban sa ilang food delivery riders sa bansa.  

“Nananawagan ako sa DOLE na aksyunan agad ang hinaing ng ating delivery riders na nakararanas ng panggigipit sa mobile app operators. Bawat araw na sila ay nababalahaw ay katumbas ng isang araw na wala silang maiuuwing kita sa kanilang pamilya,” ani Hontiveros. 
Yan ang pahayag ng senadora matapos mapabalita na sinuspinde ng pamunuan ng food delivery app na Foodpanda ang hindi bababa sa 500 accredited riders nito sa Davao City matapos sumali ang mga ito sa isang unity ride para sa mga kasamahan nilang rider na nauna nang sinuspinde ng Foodpanda at inalisan ng access sa mobile app sa loob ng 10 taon.
Konektado rin diumano ang pangyayari sa reklamo ng mga rider ukol sa bagong fare adjustment ng Foodpanda, kung saan maaring bumaba sa P20 lang ang kita ng mga rider kada delivery ride.   
Ayon kay Hontiveros, dapat nang mag-mediate ang DOLE sa sitwasyon at tingnan ang kalagayan ng mga Foodpanda riders, upang masiguro na hindi matitigil ang serbisyo nito at higit sa lahat, maproteksyonan ang lahat ng karapatan ng mga delivery riders bilang workers o manggagawa.
“Hindi man itinuturing sa ngayon na empleyado ang mga delivery riders, sila ay mga manggagawa na naghahanapbuhay at tumutulong hindi lang sa kanilang pamilya kundi sa ekonomiya.  Hangga’t walang inilalabas na guidelines ang DOLE o hindi sila namamagitan ay walang mangyayari,” sabi ni Hontiveros.
“Malaking negligence o kapabayaan ito kung hindi agad na kikilos ang pamahalaan. Hindi pwedeng nakatengga lang tayo habang alam nating  may posibleng pang-aabuso na nangyayari sa ating workforce, sa gitna ng pandemya,” dagdag niya. 
Nauna nang hinimok  ni Hontiveros ang DOLE na gumawa na ng komprehensibong guidelines ukol sa mga delivery riders, upang maproteksyunan ang kanilang karapatan at kapakanan bilang manggagawa. 
Kaugnay nito, isinulong niya ang isang Senate resolution na nagtutulak sa Senado na alamin ang tunay na kalagayan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa “gig economy,” upang ayusin ang maraming labor issues na nakakaapekto sa sektor na ito. 
“Isang napakahalagang punto ng aming resolusyon ay, dahil na rin siguro sa mga pagbabago sa panahon na ito, dapat ay repasuhin na natin ang ating mga labor laws upang maprotektahan ang lahat ng uri ng manggagawa,” ayon kay Hontiveros. 
Umaasa ako na mabibigyan ng dignidad sa trabaho ang sinumang manggagawa na nagsasakripisyo at dumidiskarte para sa pamilya ano man ang kanyang employment status,” pagtatapos ni Hontiveros. ###

PRESS RELEASE