Karanasan ng ibang bansa sa face-to-face classes dapat pag-aralan -Gatchalian

By Lucia F. Broñio

LUNGSOD CALOOCAN, Peb. 19 (PIA) — Tulad ng pag-aaral na ginawa ng United States Centers for Disease Control and Prevention (CDC), tinukoy din ni Senator Win Gatchalian ang mensahe ng Public Health Agency (PHA) ng Northern Ireland na ang mga paaralan ay hindi sanhi ng pagdami ng mga kaso ng COVID-19.

Para kay Gatchalian, ipinagtitibay ng mensahe ng PHA sa mga paaralan na posible ang pagkakaroon ng limitado at localized na face-to-face classes, lalo na sa mga low-risk areas o sa mga lugar na wala o kakaunti ang kaso ng COVID-19.

Isang pag-aaral din ng University of Warwick sa Inglatera ang nagsabing hindi nagmumula ang mabilis na pagkalat ng COVID-19 sa mga paaralan. Lumabas sa pag-aaral ng mga mananaliksik na tumugma ang dahilan ng hindi pagpasok sa eskwela ng mga mag-aaral at mga guro sa infection rates na nakuha sa komunidad at hindi sa mga paaralan. 

“Kung susuriin natin ang karanasan at mga pag-aaral sa ibang bansa, makikita natin na posible ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan habang patuloy ang pagpapatupad ng health protocols tulad ng physical distancing, pagsusuot ng mask, at regular na paghuhugas ng kamay,” ani Gatchalian. 

Para sa senador, ang pag-aaral at mga hakbang sa ibang-ibang bansa ay dapat magsilbing gabay upang mapayagan na ang pagkakaroon ng localized at limitadong face-to-face classes, lalo na’t unti-unti nang nagluluwag ng quarantine measures, binubuksan ang ekonomiya, at nalalapit na ang pagpapatupad ng COVID-19 vaccination program.

Ang ligtas na pagbubukas ng mga eskwelahan ay dapat maging bahagi ng recovery efforts ng bansa mula sa pinsalang dulot ng pandemya, aniya.

Ayon sa COVID-19 tracker ng University of the Philippines, may mahigit apat na raang (433) munisipalidad ang naitala simula noong Pebrero 9 na walang aktibong kaso ng COVID-19.

“Habang hinihintay natin ang bakuna, pwede na nating paghandaan ang pagbubukas ng mga paaralan sa mga lugar na walang kaso o may kaunting kaso ng COVID-19 para maihanda din ng mga mag-aaral at mga kawani ang kanilang mga sarili matapos ang halos isang taong pananatili sa bahay,” dagdag na pahayag ng senador.

Inirerekomenda ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) ang pilot face-to-face classes sa mga low-risk areas sa darating na Marso. Ilang ulit nang nagbabala ang naturang ahensya ng pinsala ng pagsasara ng mga paaralan. Kabilang dito ang pag-urong ng kaalaman ng mga kabataan, pag-akyat ng mga bilang ng dropouts, pag-akyat ng mga kaso ng karahasan at pang-aabuso, at mga isyu sa mental health dahil sa kawalan ng social interaction. (PIA NCR)

PRESS RELEASE