“HINDI NAKAKATULONG ANG PRICE CONTROL”
Imbes na ‘price ceiling’, Hontiveros, hinimok ang DA na pag-igtingin ang laban kontra ASF
Hinimok ni Senador Risa Hontiveros ang Department of Agriculture (DA) na pag-igtingin ang laban kontra paglaganap ng African Swine Fever (ASF) na siyang pangunahing dahilan kung bakit nananatiling mataas ang presyo ng baboy sa bansa.
“ASF ang puno’t dulo ng problema, kaya ASF dapat ang solusyunan. Dapat na ituon ng gobyerno ang pansin nito sa testing, reporting at pag-responde sa mga local oubreaks ng ASF. Hindi na nakakatulong ang ipinataw nilang price control,” ayon sa Senadora.
Sa kasalukuyan, sinusubukan ng DA na palakasin ang lokal na supply ng baboy sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga inahing baboy at feeds sa mga lugar na walang naitalang kaso ng ASF. Ngunit ayon kay Hontiveros, ang mga hog raisers ay takot pa rin sa waves of infection at kapag nababalitaang may mga kaso ng ASF sa kalapit na mga bayan, ay agad na ibinebenta ang mga alagang baboy.
“Gaya ng COVID, wala pa ring bakuna sa ASF. Kung hindi pag-iigtingin ang pag-apula sa pagkalat ng virus, unti-unti nitong papatayin, hindi lang ang swine production, kundi ang kabuhayan ng ating mga kababayan,” ani Hontiveros.
Binigyang diin din ng senadora na ang muling pagkakaroon ng sapat na suplay ng karneng baboy ay nakabatay sa kumpiyansa ng mga namumuhunan na ang mga kaso ng ASF ay nababawasan, kontrolado at mababayaran.
“Bago pa man mag-repopulate o magparami at mamigay ng inahing baboy, kailangang gabayan din ng DA ang hog industry sa tamang pag-aalaga ng hayop para mapigilan ang pagkalat pa ng epidemya. Kailangan din dito ng early detection, physical distancing, at madalas na testing sa mga hayop na sinusubukan ngayon ng mga beterinaryo sa ibang bansa,” sabi ng Senadora.
Sinabi din ni Hontiveros na bagaman mabuti ang hangarin ng itinakdang 60-day price ceiling sa mga karneng baboy at manok sa Metro Manila, mas lalo lang nitong pinapalala ang kalagayan ng hog raisers at manininda. Ayon pa sa Senadora, halos imposible para sa mga vendors na makabawi mula sa ‘twindemic’ ng COVID-19 at ASF.
“Araw-araw nating napapanood sa balita, mga manininda at producers mismo ay dumadaing sa imposibleng price control. Marami ang nagsabing hindi sila makabawi ng puhunan. Kulang na kulang din ang tulong na suplay ng murang baboy na inaangkat mismo ng DA mula North Cotabato. Hindi rin lahat kayang suplayan kaya hindi na sila umasa at mas minabuti nang tumigil na lang sa pagtitinda,” ani Hontiveros.
“Nakararanas tayo ng ’Twindemic’ — pandemya ng COVID-19 at epidemya ng ASF. Kambal din ang dagok sa ating magbababoy na nalubog pa dahil sa itinakdang price ceiling.
Dumadaing na ang ating producers at retailers. Ilang eksperto na ang tumutol sa pagpapatupad ng price ceiling. Bawiin na sana ito para makabawi naman sa lugi ang ating mga kababayan,” pagtatapos niya. ###