Cayetano, sinabihan ang Kongreso na ayusin ang prayoridad

Mariing ipinaalala ni Dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa Kongreso na unahin ang pagtalakay sa mga isyung kalusugan at kabuhayan sa kanilang mga natitirang sesyon. Wika ng mambabatas, “set your priorities straight.”

“When we say what is our priority, allow me to say, what should not be our priority? Anything addictive – alcohol, cigarettes, gambling – hindi ba pwedeng hindi priority during the pandemic?” saad ni Cayetano sa isang media interview noong Enero 14, 2022.

Aniya, hindi na dapat unahin ng Kongreso ang pagsasabatas ng mga prangkisa para sa e-sabong at ang pagsasalegal ng e-cigarettes sa ating bansa.

“I appeal to my fellow lawmakers, set your priorities straight. Unless taxes ‘yan, e hindi naman po automatic na nagre-result sa taxes ang regulation e, or y’ung franchise na binibigay,” dagdag niya.

Ipinahayag ni Cayetano na mas nakabubuting unahin ang pagsasabatas ng mga polisiyang makatutulong sa kalusugan at kabuhayan ng mga Pilipino, lalo na ngayong nagsusumikap bumangon ang ekonomiya ng Pilipinas sa gitna ng pandemya.

“Dalawa lang naman dapat ang maging priority all throughout e — buhay at kabuhayan. If we focus on health and livelihood, awa ng Diyos, people will see na may lifeline ang gobyerno sa mga problemang hinaharap nila sa ngayon,” pahayag ng mambabatas.

Bilang isang kandidato rin sa Senado ngayong May 2022 elections, iginigiit ni Cayetano ang pagkakaroon ng isang faith-based at values-oriented policy agenda. Ilang beses na rin niyang tinututulan ang pagbibigay ng mga prangkisa sa e-sabong operators ng bansa, pati na rin ang pagsasalegal ng batas upang mas mapadali ang pagbili ng mga vape products at e-cigarettes sa publiko.

Noong May 2021, unang inapubrahan ng Lower House ang isang batas na naglalayong i-regulate ang pagtitinda ng e-cigarettes sa bansa, ngunit binababa rin nito ang minimum age restriction ng paggamit. Kung maisasabatas, maaaring makagamit ng e-cigarette ang mga 18 taon gulang, at ang Food and Drug Administration ay magsisilbing consulting body na lamang ng Department of Trade and Industry sa pag-regulate ng mga ito.

“Tayo lang sa buong mundo ang sa DTI, hindi sa FDA nilagay ang regulation ng e-cigarettes,” ani Cayetano.

 “Kaya natatawa ako kasi nagagalit yung FDA sa mga COVID test na hindi nila approved pero binebenta. Pero ang gusto naman ng Kongreso, payagan yung e-cigarettes na iba’t ibang flavor na dineny na ng ibang mga bansa na DTI ang gumawa,” dagdag niya.#####

PRESS RELEASE