Mas Pinalawak na Maternity Benefit ng SSS

Mas Pinalawak na Maternity Benefit ng SSS

Suporta sa Ina, Proteksiyon sa Pamilya

May mga sandaling hindi matutumbasan ng anumang halaga ang panahon ng isang ina kasama ang kaniyang bagong silang na sanggol. Ngunit sa likod ng saya ng panganganak ay naroon din ang mga gastusin, pangangailangan sa pagpapagaling, at responsibilidad sa pamilya. Kaya mahalagang malaman ng bawat babaeng manggagawa ang tulong na maaari niyang matanggap mula sa Social Security System (SSS) sa pamamagitan ng Expanded Maternity Benefit.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11199 o Social Security Act of 2018, kinikilala ang maternity benefit bilang isa sa mga social security benefits para sa mga kwalipikadong babaeng miyembro. Samantala, ang pagpapalawig ng maternity leave at kaugnay na mga benepisyo ay pangunahing itinatadhana ng Republic Act No. 11210 o 105-Day Expanded Maternity Leave Law, na nagkabisa noong Marso 11, 2019.

Ano ang mga benepisyo ng Expanded Maternity Benefit?

Una, mas mahabang panahon para sa panganganak at pag-aalaga sa sanggol. Ang mga kwalipikadong babaeng miyembro ng SSS ay maaaring makatanggap ng maternity benefit para sa mga sumusunod:

105 araw para sa live childbirth, normal man o cesarean section.

120 araw para sa mga kwalipikadong solo parent, na may karagdagang 15 araw alinsunod sa batas.

60 araw para sa miscarriage o emergency termination of pregnancy (ETP), kabilang ang stillbirth.

Ang benepisyo ay katumbas ng 100% ng average daily salary credit ng miyembro, na minumultiply sa bilang ng mga araw na saklaw ng kaniyang benepisyo.

Ikalawa, hindi lamang mga unang beses maging ina ang maaaring makinabang. Maaaring mag-avail ng maternity benefit sa bawat kwalipikadong panganganak, miscarriage, o ETP, anuman ang civil status, employment status, pagiging lehitimo ng anak, o dalas ng pagbubuntis. Mahalagang tandaan na kailangang matugunan pa rin ang mga itinakdang kondisyon sa kontribusyon at iba pang kinakailangan ng SSS.

Ikatlo, may suportang pinansiyal habang nagpapagaling at nag-aalaga ng anak. Para sa mga babaeng empleyado sa pribadong sektor, ang maternity leave ay may full pay, na binubuo ng SSS maternity benefit at, kung naaangkop, salary differential na sasagutin ng employer. May mga eksepsiyon sa obligasyon ng employer na magbayad ng salary differential, alinsunod sa batas. Para naman sa mga self-employed, voluntary members, non-working spouses, at overseas Filipino workers (OFWs), ang SSS maternity benefit ang maaaring matanggap kung kwalipikado sila.

Sino ang maaaring mag-avail?

Kailangang may hindi bababa sa tatlong buwanang kontribusyon sa loob ng 12-buwang panahon bago ang semester ng panganganak, miscarriage, o ETP. Ang mga kontribusyong binabayaran sa loob o pagkatapos ng semester ng contingency ay hindi isinasama sa pagkukuwenta ng benepisyo.

Para sa mga empleyado, mahalagang maabisuhan ang employer tungkol sa pagbubuntis at inaasahang petsa ng panganganak upang maipasa ang kinakailangang maternity notification sa SSS. Ang mga self-employed, voluntary members, non-working spouses, at OFWs ay kailangang direktang magbigay ng abiso sa SSS.

Paano makapag-a-apply?

Maaaring isumite online ang Maternity Benefit Application sa pamamagitan ng My.SSS account. Tiyaking tama at kumpleto ang mga kinakailangang dokumento at naka-enroll ang angkop na disbursement account upang maiwasan ang pagkaantala sa pagproseso ng bayad. Para sa pinakabagong mga panuntunan at gabay, bisitahin ang opisyal na website ng SSS sa www.sss.gov.ph.

Sa huli, ang Expanded Maternity Benefit ay hindi lamang tulong pinansiyal. Isa itong pagkilala sa mahalagang papel ng mga ina at sa pangangailangang mabigyan sila ng sapat na panahon para sa kanilang kalusugan at sa kanilang mga anak.

Kaya sa bawat babaeng manggagawa, huwag hayaang masayang ang benepisyong pinaghirapan ninyo sa pamamagitan ng inyong mga kontribusyon. Alamin ang inyong mga karapatan, panatilihing maayos ang inyong pagiging miyembro, at gamitin ang mga benepisyong nararapat sa inyo.

Dahil sa SSS, ang pagiging handa sa kinabukasan ay nagsisimula sa pag-alam at paggamit ng mga benepisyong makatutulong sa atin at sa ating pamilya.

Kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan, magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph. Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph at SSS Hotline 1455 para sa inyong concerns at katanungan.  

###

PRESS RELEASE