Asikasong Maybahay, May Seguridad sa Buhay: SSS Membership para sa Non-Working Spouse

Asikasong Maybahay, May Seguridad sa Buhay: SSS Membership para sa Non-Working Spouse

Sa maraming pamilyang Pilipino, may isang taong tahimik ngunit mahalagang humahawak sa tahanan—nag-aalaga sa mga anak, namamahala sa badyet, nagluluto, at sinisigurong maayos ang lahat. Bagama’t walang buwanang suweldo ang gawaing ito, hindi ito nangangahulugang walang halaga sa pamilya.

Kung ikaw ay isang full-time homemaker o asawang nag-aalaga sa tahanan, alam mo bang maaari kang magkaroon ng sariling SSS membership kahit hindi ka nagtatrabaho sa labas ng bahay?

Sa ilalim ng Republic Act No. 11199 o Social Security Act of 2018, maaaring sumali sa SSS bilang boluntaryong miyembro ang mga non-working spouse ng mga SSS members, alinsunod sa mga itinakdang kondisyon. Layunin ng programang ito na palawakin ang social protection at bigyan ng sariling seguridad ang mga taong umaasa sa kita ng kanilang asawa.

Sino ang maaaring maging Non-Working Spouse (NWS) member? Ayon sa mga alituntunin ng SSS, dapat matugunan ang sumusunod:

• Legal na kasal sa isang kasalukuyang nagbabayad na SSS member na empleyado, self-employed, o Overseas Filipino Worker (OFW).

• Ang asawang nagtatrabaho ay may hindi bababa sa isang posted contribution sa loob ng anim na buwan bago ang pagpaparehistro ng NWS.

• Hindi pa kailanman naging miyembro ng SSS ang aplikante at wala pang naipost na kontribusyon.

• Hindi lalampas sa edad na 60 ang aplikante.

Mahalagang tandaan na ang NWS membership ay para sa asawang full-time na namamahala sa sambahayan at mga gawaing pampamilya, maliban kung siya ay may ibang hanapbuhay o trabahong saklaw ng mandatory membership.

Ano naman ang pakinabang nito? Hindi lamang ang nagtatrabahong asawa ang maaaring maghanda para sa kinabukasan. Sa pagiging NWS member, maaaring maging kwalipikado ang isang miyembro sa mga benepisyo ng SSS, depende sa naaangkop na kondisyon at bilang ng kontribusyon.

Kabilang dito ang:

• Retirement benefit – buwanang pensiyon kung natugunan ang mga kinakailangan, kabilang ang hindi bababa sa 120 buwanang kontribusyon bago ang semestre ng pagreretiro; kung hindi, maaaring lump sum ang maibigay.

• Sickness benefit – tulong-pinansiyal kapag hindi makapagtrabaho dahil sa sakit o pinsala, kung natugunan ang mga kondisyon.

• Maternity benefit – para sa kwalipikadong miyembro na nakaranas ng panganganak o miscarriage/emergency termination of pregnancy, alinsunod sa mga tuntunin ng SSS.

• Disability benefit – tulong para sa kwalipikadong miyembrong nagkaroon ng kapansanan.

• Death at funeral benefits – tulong para sa mga kwalipikadong benepisyaryo o taong nagbayad ng gastusin sa pagpapalibing.

• Loan privileges – maaaring makapag-avail ng mga pautang kung natugunan ang kaukulang kontribusyon at iba pang requirements.

Hindi awtomatikong makukuha ang lahat ng benepisyo dahil lamang nakarehistro. Bawat benepisyo ay may sariling eligibility requirements.

Paano magparehistro at magbayad?

Una, kumuha ng SS Number sa opisyal na SSS website kung wala ka pa nito. Pagkatapos, isumite sa pinakamalapit na sangay ng SSS ang Member Data Change Request Form (SS Form E-4) at mga kinakailangang dokumento upang makumpleto ang pagpaparehistro bilang NWS member. Tiyaking kumpirmahin sa SSS ang pinakabagong dokumentaryong requirements.

Ang buwanang kontribusyon ay nakabatay sa 50 porsiyento ng idineklarang buwanang kita ng nagtatrabahong asawa, gamit ang naaangkop na Monthly Salary Credit (MSC) sa contribution schedule. Sa ilalim ng kasalukuyang iskedyul na epektibo noong Enero 2025, ang contribution rate ay 15%, na may MSC mula ₱5,000 hanggang ₱35,000. Kaya mahalagang alamin ang tamang halaga ng kontribusyon batay sa inyong sitwasyon.

Maaari ring magbayad sa mga awtorisadong SSS payment channel. Tandaan: kapag may nalaktawang buwan, hindi maaaring bayaran nang retroaktibo ang mga ito upang punan ang contribution gaps.

Sa huli, ang pag-aalaga sa tahanan ay tunay na trabaho, kahit walang payslip. Sa pamamagitan ng SSS Non-Working Spouse membership, ang dedikasyon sa pamilya ay maaari ring samahan ng paghahanda para sa sariling kinabukasan. Dahil ang seguridad sa buhay ay hindi lamang para sa kumikita ngayon—ito ay para rin sa mga taong araw-araw na nagbibigay-buhay sa ating tahanan.

Kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan, magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph. Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph at SSS Hotline 1455 para sa inyong concerns at katanungan.

admin