SSS Pension Loan Program para sa mga Retiree Pensioners
Christian Andrew Rillorta
Senior Communications Analysts
Noong September 11, 2026 ay nagtipon tipon ang mahigit dalawang-daan pensyonado ng SSS mula Baguio at La Trinidad, Benguet para sa SSS Pensioner’s Day celebration. Ito ay bahagi pa rin ng pagdiriwang ng ika-69th anibersaryo ng Social Security System.
Sa pagtitipon ay napag-usapan ang tungkol sa Penion Loan Program para sa mga Retiree Pensioners. Tunay ngang napakalaking tulong ng programang ito lalo sa mga pensyonado na may panandaliaang pangangailangang pinansyal.
Noong 2022 ay inilatag ng SSS ang programang ito para sa retiree pensioners. Mismong mga grupo ng mga pensyonado ang nagbigay ng suhestion sa SSS para bumuo ng isang loan program para sa kanila. Marami kasing naglipanang mga loan shark na mabilis nga ang approval ng loan application, subalit pahirapan naman sa pagbabayad dahil sa napakalalaking interes.
Dahil dito, tinangkilik ng SSS retiree pensioners ang programang ito. Ayon sa datos ng SSS, mula January hanggang July 2026 ay mayroong 126,199 retiree pensioners ang nag-avail ng PLP. Ipinapakita nito ang 22.5% na pagtaas kumpara sa bilang ng mga nag-avail sa parehong panahon noong 2025.
Gaano ba kalaki ang maaaring mahiram ng mga retiradong pensyonado? Pagdating sa loanable amount, ito ay katumbas ng Aggregate Monthly Pension (AMP) na imumultiply sa 3, 6, 9, o 12 months depende sa opsyon ng pensioner-borrower, ngunit hindi dapat lumampas sa P300,000. Halimbawa, kung ang isang retiradong pensioner ay tumatanggap ng P8,000 kada buwan at nais niyang humiram ng 9-months equivalent ng kaniyang pension, makakatanggap siya ng pension loan amount na nagkakahalaga ng P72,000.
Isa sa rason kung bakit nagugustuhan ng mga retiree pensioners ang PLP ay dahil sa itinakdang Net Take Home Pension (NTHP) ng SSS. Ang NTHP ay ang halagang iuuwi pa rin ng pensioner-borrower. Ito ay hindi bababa sa 40% ng kanilang buwanang pensyon matapos ibawas ang pension loan amortization. Ibig sabihin, kahit may utang ang pensyonado sa SSS ay tataggap pa rin siya ng kaniyang buwanang pensyon. Kung sa P8,000 na monthly pension, may tatanggapin pa rin ang pensioner-borrower na hindi bababa sa P3,200 kada buwan. Kung sakaling mas mababa sa 40% ang NTHP, awtomatikong ire-recompute ang loan amount upang masigurong may sapat na matitira para sa pang-araw-araw na gastusin ng pensioner.
Upang makapag-apply sa PLP, kinakailangang naka-rehistro sa My.SSS na may updated contact information at enrolled disbursement account. Pagdating sa age requirement, hindi dapat hihigit sa 85 taong gulang sa katapusan ng buwan ng loan term ang edad ng retiree pensioner. Bukod dito, dapat aktibo ang status ng pensyon at nakakatanggap na ng buwanang pensyon nang hindi bababa sa isang buwan. Wala rin dapat na kasalukuyang deductions sa pensyon, walang existing advance pension mula sa calamity loan package, at walang record ng fraud laban sa SSS.
Ang loan ay may repayment periods na 6, 12, o 24 months, depende sa napiling loan amount. Ang pagbabayad ay hindi na kailangang gawin nang manu-mano. Awtomatikong ibinabawas ang monthly amortization mula sa pensyon. Nagsisimula ang unang hulog sa ikalawang buwan matapos ma-grant ang loan.
Mahalagang tandaan na ang layunin ng SSS Pension Loan Program ay mapangalagaan ang kapakanan ng mga pensyonado. Sa halip na mapilitan silang umutang sa loan sharks na may napakataas na interes, makasisiguro sila na ang SSS loan ay mas ligtas, abot-kaya, at akma sa kanilang kakayahang magbayad.
Sa susunod na column, ang paksa natin ay tungkol sa Pension Loan Program para naman sa mga Surviving Spouse. Abangan!
Kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan, magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph. Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph at SSS Hotline 1455 para sa inyong concerns at katanungan.
