BCBC, Kinansela ang 2026 Lucky Summer Visitor Program Matapos ang Pagkamatay ng Dalawang Photographer sa Itogon, Benguet

BCBC, Kinansela ang 2026 Lucky Summer Visitor Program Matapos ang Pagkamatay ng Dalawang Photographer sa Itogon, Benguet

LUNGSOD NG BAGUIO –  Kinansela ng Baguio Correspondents and Broadcasters Club (BCBC), ang pinakamalaki at pinakamatandang samahan ng media sa Hilagang Luzon, ang taunang Lucky Summer Visitor (LSV) activity matapos ang pagkamatay ng dalawang photographer sa insidente sa Itogon nitong Biyernes ng hapon, March 27, 2026.

Ayon sa BCBC, na itinatag 64 taon na ang nakalilipas ng mga mamamahayag mula sa print, TV, at broadcast media sa lungsod, hindi na itutuloy ang 2026 LSV Program bilang pakikiisa sa pagluluksa sa pagpanaw ng dalawang photographer na sina Rodolfo Ong Tan at Neil Ongchangco.

Nasawi ang dalawa matapos tangayin ng malakas na agos ng ilog ang sinasakyan nilang sasakyan sa Sitio Tabu, Dalupirip, Itogon, Benguet noong Biyernes ng hapon. Ayon sa ulat, kabilang sila sa anim na sakay ng isang itim na Toyota Fortuner na inanod nang humigit-kumulang 100 metro habang sinusubukang tumawid sa ilog.

Idineklarang dead on arrival sa ospital si Tan dahil sa tinamong pinsala sa ulo, habang si Ongchangco, na una umanong naiulat na nawawala, ay kalauna’y natagpuang wala nang buhay sa downstream area ng ilog.

Samantala, apat pang pasahero—kabilang ang ilang kapwa mga photographer at mga residente ng Baguio City—ang nakaligtas sa insidente at naiulat na nasa maayos nang kalagayan matapos dalhin sa Itogon District Hospital para sa agarang medikal na atensyon.

Sa halip na ituloy ang taunang programa, napagkaisahan ng samahan ng BCBC sa pangunguna ni BCBC President Dionisio Dennis na magpapatuloy na lamang sila sa tradisyunal na paggunita ng Semana Santa, kasabay ng paggalang sa mga nasawi at pagsasaalang-alang sa umiiral na mga hakbang sa konserbasyon ng enerhiya.

Nanawagan din ang grupo ng pang-unawa mula sa publiko habang nagluluksa ang komunidad ng media sa pagkawala ng kanilang mga kasamahan.

Ang Lucky Summer Visitor Program ay isang matagal nang tradisyon sa lungsod kung saan pumipili ng mga turista—lalo na ang mga unang beses na bumibisita sa Baguio—upang mabigyan ng limang araw na “red-carpet” all-expenses-paid na pamamalagi at bakasyon sa lungsod tuwing Semana Santa. #

Mario Oclaman