PUP KAISA SA PAGSUSULONG NG MGA PROGRAMANG PANGWIKA NG KWF
Isinagawa ng Lupong Tagapagpaganap na pinangunahan ng Tagapangulo ng Komisyon, Atty. Marites Barrios-Taran kasama si Komsiyoner, Dr. Benjamin Mendillo ang pagbisita-opisyal sa Pangulo ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP), Dr. Manuel M. Muhi sa kaniyang tanggapan noong 27 Enero 2026, 2:00nh.

Inilatag ng Tagapangulo ng KWF ang pagpapalakas ng ugnayan ng KWF at PUP sa pagtataguyod ng wikang Filipino at kultura sa akademya. Binigyang diin sa pulong ang pagtatatag ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK), kabilang ang mga proyektong pangwika at pangkultura ng KWF na magiging katuwang ang PUP sa pananaliksik, edukasyong pangwika, at pagtuturo ng Filipino Sign Language.
Tinalakay rin ang mga posibleng kolaborasyon sa pagpapaunlad ng wikang Filipino, tulad ng mga palihan at seminar na may kinalaman sa wika, at iba pang inisyatiba na naglalayong palalimin ang paggamit at pag-aaral ng wikang Filipino sa buong sistemang pang-edukasyon ng PUP.
Kasamang dumalo sa bahagi ng PUP sina G. Marvin Lai, Tagapangulo ng Kagawaran ng Filipinolohiya, at Dr. Anna Ruby P. Gapasin, Pangalawang Pangulo ng PUP. #
