Baguio, Handa na sa Makulay na Pagdiriwang ng Spring Festival at Chinese Lunar New Year 2026
Serye ng makukulay na aktibidad mula Pebrero 9–22, ilalatag ng pamahalaang lungsod para sa Year of the Fire Horse
Nakatakda nang isagawa ng pamahalaang lungsod ng Baguio ang isang serye ng mga aktibidad para sa pagdiriwang ng Spring Festival at Chinese Lunar New Year 2026, mula Pebrero 9 hanggang Pebrero 22, 2026, bilang bahagi ng patuloy na pagpapahalaga sa kultura, tradisyon, at pagkakaisa ng iba’t ibang komunidad sa lungsod.
Pormal na sisimulan ang selebrasyon sa Pebrero 9, 2026, sa pamamagitan ng paglulunsad ng opisyal na kalendaryo ng mga aktibidad kasabay ng regular na flag-raising ceremony tuwing Lunes sa city hall grounds.
Kasunod nito, gaganapin ang tradisyunal na Media Night sa Pebrero 10, 2026, sa Hotel Supreme Mall and Events Center, na magsisilbing pagkakataon upang kilalanin ang mga katuwang sa pagdiriwang at higit pang ipalaganap ang diwa ng Spring Festival. Isasagawa naman ang regular na barangay gift-giving activity sa Pebrero 13, 2026, sa Middle Quirino Hill covered court, bilang bahagi ng programang pangkomunidad.
Isa sa mga pinakaaabangang kaganapan ang Grand at Makulay na Parada sa Pebrero 18, 2026, (Miyerkules) na magtatampok ng iba’t ibang cultural presentations at festival elements bilang pagbibigay-pugay sa Year of the Fire Horse. Magsisimula ang parada sa Upper Session Road at magtatapos sa Melvin Jones football grounds, daraan sa Magsaysay Avenue at Harrison Road.
Sa gabi ng parehong araw, gaganapin ang Awards Night sa Hotel Supreme Mall and Events Center, kung saan magsasama-sama ang mga organisador, katuwang, at miyembro ng Baguio Filipino-Chinese community upang sama-samang ipagdiwang ang Year of the Fire Horse at kilalanin ang mga nag-ambag sa tagumpay ng selebrasyon.
Bilang pagtatapos ng pagdiriwang, muling gagawing “Little Chinatown” ang Session Road sa Pebrero 22, 2026, kung saan magkakaroon ng pagkakataon ang mga residente at turista na masaksihan at maranasan ang mayamang kulturang Tsino, kabilang ang iba’t ibang produktong itatampok at ibebenta sa pangunahing lansangan ng lungsod. Ang naturang aktibidad ay pangungunahan ng Chinese New Year Fun Run na isasagawa nang mas maaga sa araw na iyon.
Ang pagdiriwang ng Spring Festival sa lungsod ay isinabatas sa ilalim ng Ordinance No. 8, s. 1999, na nagbigay-daan upang maging kauna-unahang lungsod sa Pilipinas ang Baguio na pormal na nag-institusyonalisa ng taunang pagdiriwang ng Spring Festival—isang patunay ng pangmatagalang pagkilala sa pagkakaiba-iba ng kultura at pagkakaisa ng komunidad. #
