Sunog sa DPWH–Cordillera Records Room, Nagbunsod ng Usapin sa Kaligtasan ng Mahahalagang Dokumento

Sunog sa DPWH–Cordillera Records Room, Nagbunsod ng Usapin sa Kaligtasan ng Mahahalagang Dokumento

Contributed Photo

LUNGSOD NG BAGUIO – (Enero 14, 2026) – Isang sunog ang sumiklab sa storage room ng Department of Public Works and Highways–Cordillera (DPWH–CAR) building bandang alas-6:00 ng gabi ng Miyerkules, Enero 14.

Agad na rumesponde ang mga awtoridad at mga bumbero matapos matanggap ang ulat hinggil sa insidente. Batay sa paunang impormasyon, nagsimula ang sunog sa loob ng isang imbakan ng mga gamit at dokumento, dahilan upang pansamantalang lumikas ang ilang empleyado bilang pag-iingat.

Mabilis na kumalat ang makapal na usok sa ilang bahagi ng gusali bago tuluyang naapula ang apoy. Sa kasalukuyan, wala namang naiulat na nasugatan o nasawi kaugnay ng insidente.

Patuloy pang tinatasa ng mga awtoridad ang lawak ng pinsala at inaalam ang posibleng sanhi ng sunog. Inilunsad na rin ang isang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng apoy. Sa kabila nito, wala pang opisyal na pahayag ang inilalabas ng pamunuan ng DPWH–Cordillera hinggil sa insidente—isang katahimikang nagbunsod ng mga espekulasyon na maaaring naapektuhan o nakompromiso ang ilang mahahalagang dokumento, partikular yaong may kaugnayan sa mga proyektong pang-imprastraktura sa buong rehiyon.

Ayon sa pinakabagong impormasyon:

Sinabi ni Baguio City Fire Marshal Mark Anthony Dangatan, ang sunog ay naganap sa Financial Management Records Room, na may tinatayang lawak na isang (1) metro kuwadrado.

Iniulat ang sunog bandang 5:25 ng hapon, nakontrol alas-5:36, at ganap na naapula alas-5:43 ng hapon. Kinumpirma ni Dangatan na walang nasaktan sa insidente.

Batay umano sa salaysay ng unang rumespondeng utility worker ng gusali, napansin ang paglabas ng usok mula sa Financial Management Records Room.

“Agad niyang inalerto ang mga security personnel at mga driver, at sama-sama nilang sinubukang apulahin ang apoy gamit ang apat na fire extinguisher na tig-10 libra. Ipinagpatuloy nila ang pagsugpo sa apoy hanggang sa dumating ang mga tauhan ng Baguio City Fire Station na siyang tuluyang humawak ng operasyon,” pahayag ni Dangatan.

Patuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection upang tuluyang matukoy ang sanhi ng sunog at masiguro kung may mga dokumentong naapektuhan ng insidente. #

Mario Oclaman