Mahigit P3.3M na Halaga ng Marijuana, Nadiskubre sa Benguet
Muling naging matagumpay ang isinagawang serye ng marijuana eradication operations ng mga kapulisan ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) matapos matuklasan ang mahigit P3.3M na halaga ng tanim na marijuana sa lalawigan ng Benguet noong ika-23 ng Nobyembre, 2025.
Ayon sa ulat mula sa Regional Operations Division ng PRO CAR, limang plantasyon na natamnan ng 12,920 fully grown marijuana plants (FGMJP) na may Standard Drug Price (SDP) na PhP2,584,000.00 ang natagpuan sa Brgy. Tacadang, Kibungan, habang tatlong plantasyon naman na natamnan ng 4,000 FGMJP na may SDP na PhP800,000.00 ang nadiskubre sa Brgy. Kayapa, Bakun.
Agad na binunot at sinunog ng mga operatiba ang mga nadiskubreng tanim na marijuana. Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon at pakikipag-ugnayan sa komunidad upang matukoy ang iba pang posibleng plantasyon ng marijuana sa mga kalapit na lugar at mapanagot ang mga indibidwal na sangkot sa pagtatanim nito.
Ang nasabing operasyon ay naging matagumpay dahil sa pagtutulungan ng mga operatiba mula sa Provincial Drug Enforcement Unit, Provincial Intelligence Unit, at Provincial Special Operations Group ng Benguet Police Provincial Office, Bakun Municipal Police Station (MPS), Kibungan MPS, 2nd Benguet Provincial Mobile Force Company, Regional Intelligence Division ng PRO CAR, Regional Intelligence Unit-14, at Philippine Drug Enforcement Agency-CAR. (RPIO PRO CAR /File Photos)
