Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal, Tumalima sa EO 335

Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal, Tumalima sa EO 335

Sa layuning higit na mapataas ang antas ng paglilingkod ng mga kawani sa Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal, aktibong lumahok sa Webinar sa Korespondensiya Opisyal na pinangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 4–6 Nobyembre 2025.

Dumalo ang higit 200 kinatawan mulâ sa iba’t ibang opisina tulad sa Opisina sa Sentral na Tanggapan, Sangay ng Pamamahala ng Yamang-Tao, Tanggapan ng Pangalawang Kalihim para sa Publikong Kaligtasan, Bureau of Local Government Supervision (BLGS), National Barangay Operations Office (NBOO), Local Government Monitoring and Evaluation Division (LGMED), Finance and Administrative Division (FAD), Information Systems and Technology Management Service (ISTMS), Office of the Undersecretary for Peace and Order and the Spokesperson for the Anti-Crime Program (AUSPAC), Office of the Assistant Secretary for Finance, Administration, and Comptrollership, at mga Tanggapang Panrehiyonal mulâ sa buong bansa sa pamamagitan ng Zoom.

Pinamahalaan ito ng mga Ka-Tagapagtaguyod na sina Bb. Pinky Jane S. Tenmatay bílang Tagapamahala ng gawain, Dr. Jose Evie G. Duclay na nagbigay ng lektura sa Korespondensiya Opisyal, Dr. Wilbert M. Lamarca sa Ortograpiyang Pambansa, at OIC-Direktor Heneral Jomar I. Cañega sa Introduksiyon sa Pagsasalin mulâ sa Sangay ng Impormasyon at Publikasyon ng KWF at Punò, Sangay ng Pamamahala ng Yamang-Tao, Jenny Naz Nuyda at Enp. Lurvie James N. Fruto, Opisyal Pampangasiwaan V, mulâ sa DILG.

Idiniin ng Kawaksing Kalihim para sa Pagpapaunlad ng Yamang Pantauhan na si Kgg. Josephine F. Cabrido-Leysa, ang pagpapatupad ng DILG ng atas na gamitin ang wikang Filipino tuwing huling linggo upang lalong magkaroon ng kabisaan ang mga kawani sa paggamit ng wikang Filipino sa lahat ng opisyal na transaksiyon. Hinihikayat din nito ang mga kaakibat na ahensiya tulad ng Bureau of Jail Management and Penology, Philippine Public Safety College, at National Youth Commission na gamitin ang wikang Filipino sa kanilang mga ahensiya.

Bílang tugon sa EO 335, naglabas ang DILG ng memorandum na nilagdaan ni Kgg. Juanito Victor C. Remulla sa kawanihan nito upang makilahok sa Webinar sa Korepondensiya Opisyal.

Ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 ay humihimok sa mga ahensiya ng pamahalaan na gamitin ang wikang Filipino bilang opisyal na wika ng komunikasyon at korespondensiya sa serbisyo publiko ay pinangunahan ng KWF. ###

PRESS RELEASE