Napag-alaman ng Doctors Without Borders na ang mga algoritmo ng WHO ay maaaring makapagpadoble ng bilang ng mga batang matutukoy na mayroong TB at gagamutin para rito.
Kailangan ng mga pamahalaan na kumilos agad upang matiyak na walang batang maiiwan sa pakikibaka sa nakamamatay na sakit na ito.
In Photo: Best-selling author and philanthropist John Green is the keynote speaker at this year’s World Conference on Lung Health, happening in Copenhagen, Denmark, from 18-21 November 2025. Green recently traveled to the Philippines to learn about tuberculosis work in the country, specifically Doctors Without Borders’ project in Tondo, Manila. With Doctors Without Borders’ Tondo staff, TB doctor Trisha Thadhani (left) and Patient Support Activity Manager Karla Agawin (right), Green visited Upskills+ Foundation Inc. in the neighborhood of Aroma, one of the poorest areas of Tondo. Upskills+ is Doctors Without Borders’ partner for nutritional support for patients undergoing treatment for TB. (Photo credit: Veejay Villafranca)
Copenhagen, 18 Nobyembre 2025 – Sa World Conference on Lung Health ngayong linggong ito, inilabas ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang datos mula sa kanilang operational research na nagpapakitang ang paggamit sa mga inirerekomenda ng World Health Organization (WHO) na mga treatment decision algorithm para sa diagnosis ng tuberculosis (TB) sa mga bata ay maaaring halos makapagpadoble ng bilang ng mga batang maaaring simulang bigyan ng makasagip-buhay na paggamot para sa TB. Ang mga algoritmo ng WHO ay mga gabay sa pagmamarka na nagbibigay-daan sa mga doktor upang simulan ang paggamot para sa TB kapag ang mga sintomas na makikita sa bata ay matibay na indikasyon ng sakit na ito, kahit na hindi pa sila mabigyan ng mga laboratory test, o negatibo ang mga resulta nito. Inudyukan ng Doctors Without Borders ang mga mambabatas na isama ang mga algoritmo ng WHO sa kanilang mga pambansang alituntunin at tiyakin ang napapanahong implementasyon upang matiyak na mas maraming batang may TB ang makakauha ng makasagip-buhay na diagnosis at paggamot.

Sa pananaliksik ng Doctors Without Borders, na pinamagatang Test Avoid Cure Tuberculosis in Children (TACTiC), sinuri ang paggamit ng mga algoritmo ng WHO sa 1,846 na mga batang wala pang sampung taong gulang na kinakitaan ng mga sintomas na maaaring indikasyon ng pulmonary TB sa pagitan ng Agosto 2023 at Oktubre 2025 sa limang bansa: sa Uganda, Niger, Nigeria, Guinea at South Sudan, kabilang rito ang mga batang nahaharap sa severe acute malnutrition at mga batang nabubuhay nang may HIV. Ipinakikita ng mga datos ng Doctors Without Borders na natukoy nang tama ng mga algoritmo ang karamihan ng mga batang may TB, at sa pangkaraniwan, nadodoble ang bilang ng mga batang sinimulan nang gamutin para sa TB. Ayon pa rin sa mga napag-alaman ng Doctors Without Borders, ang pagpapakilala ng mga algoritmo ng WHO ay hindi lang sumusuporta sa mga healthcare worker sa diagnosis ng TB sa mga bata, at na ito’y posibleng gamitin, ito rin ay nakapapanatag ng loob ng mga magulang dahil ang kanilang mga anak ay makatatanggap ng napapanahong pangangalaga para sa TB.
“Dati, ang mga health worker ay nakasalalay lang sa pag-ubo. Basta’t hindi umuubo ang isang bata, iniisip nilang wala itong TB,” sabi ni Dr. Angeline Dore, ang focal point para sa TACTiC project sa Guinea.”Ngunit ngayon, sinasabi sa atin ng mga algoritmo ng WHO na hindi dapat na ubo lang ang gawing batayan, may iba’t ibang senyales pa para sa TB.”

Tinatayang may mga 1.2 milyong mga bata at kabataang wala pa sa edad na 15 ang nagkasakit ng TB noong 2024. Bagama’t ang sakit na ito ay maaaring mabigyan ng lunas, kadalasan ay hindi natutukoy ang TB sa mga bata dahil ang mga laboratory test na kasalukuyang magagawa ay dinisenyo para sa mga nakatatanda at hindi angkop para sa mga bata. Dagdag pa rito, ang karamihan sa mga laboratory test ay nangangailangan ng sample ng sputum na mahirap para sa mga batang idahak. At kahit magawa man nila ito, imposibleng matukoy ang sakit sa pamamagitan ng mga laboratory test dahil mababa ang antas ng bacteria sa kanilang mga baga. Sa WHO Global Tuberculosis Report na inilathala nitong nakaraang linggo, nakagugulat makita na 43% ng mga batang may TB ang hindi nabigyan ng diagnosis noong 2024 at hindi nakakuha ng makasagip-buhay na paggamot.
Noong 2022, binago ng WHO ang gabay nito para sa diagnosis, paggamot at pagpigil ng TB sa mga bata alinsunod sa pinakahuling ebidensiyang siyentipiko. Kabilang sa ilang mahahalagang pagbabago ang pagrekomenda ng WHO sa paggamit ng mga treatment decision algorithm para sa diagnosis ng TB sa mga batang mayroon man o walang access sa Xray. Subali’t, sa kabila ng rekomendasyon ng WHO, maraming mga bansa ang hindi pa rin isinasama ang mga algoritmong ito sa kanilang mga pambansang alituntunin o binibigyang-daan ang implementasyon ng mga ito sa mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan.
“Masyadong maraming mga batang may TB ang hindi nabibigyang-pansin dahil sa kawalan ng mga epektibong kagamitang pang-diagnostiko,” sabi ni Dr. Helena Huerga, ang Principal Investigator ng TACTiC research study na isinagawa ng Doctors Without Borders. “Pinatunayan ng aming mga napag-alaman na ang mga treatment decision algorithm ng WHO, kung saan hindi kinakailangan ng resulta ng mga lab test upang magsimula ang paggamot ng TB sa mga bata, ay gumagana sa tunay na buhay, at kapag ito’y ipinatupad, maaari itong makasagip ng mas maraming mga bata. Malinaw ang sinasabi ng siyensiya – ang kulang na lang ay ang determinasyong pulitikal upang maisakatuparan ito.”
Dahil sa mga pagbawas sa pondong nakalaan para sa global aid na nagbabantang palakihin ang puwang sa pagitan ng pagtukoy at paggamot ng mga taong may TB, nananawagan ang Doctors Without Borders sa mga bansa at sa kanilang mga stakeholder, kabilang rito ang mga pandaigdigang donor, na harapin ang hamon at tiyakin ang mapapanatiling pondo para sa pangangalaga ng lahat ng mga taong may TB, lalo na ang mga batang nahaharap sa pinakamalaking mga puwang sa pagkuha ng pangangalaga para sa TB .
“Bukod sa napapanahong paggamit at pagsasakatuparan sa mga algoritmo ng WHO, kailangan ding paghandaan at pagplanuhan ng mga mambabatas, mga donor, at mga nagpapatupad ang pagtaas ng kinakailangang supply ng mga gamot para sa mga bata at tiyaking ang lahat ng batang natukoy na may TB ay makakuha ng hindi maaantalang paggamot,” sabi ni Daniel Martinez Garcia, ang project leader ng TACTiC project ng Doctors Without Borders. #
Tala:
Ang Test Avoid Cure TB in Children (TACTiC) project ay isang proyektong makapagpapabago ng pangangalaga para sa mga batang may TB. Nilalayon ng proyektong ito na ipatupad ang mga pinakahuling rekomendasyon ng WHO, lumikha ng mga pagpapatunay ng kanilang pagiging epektibo, posibleng gawin at katanggap-tanggap, at isulong ang implementasyon nito sa pandaigdig at pambansang antas. Saklaw ng proyekto ang 12 na bansa na may mataas na burden ng TB at kung saan ang Doctors Without Borders ay nagbibigay ng pangangalaga para sa mga batang may TB: ang Afghanistan, Central African Republic, Democratic Republic of Congo, Guinea, Mozambique, Niger, Nigeria, Pakistan, Pilipinas, Somalia, South Sudan at Uganda. Sa ilalim ng proyektong ito, isinagawa ang TB ALGO PED research study upang suriin ang pagganap na pang-diagnostiko, ang epekto nito, ang pagiging posible at katanggap -tanggap ng pagpapatupad ng mga WHO treatment decision algorithm para sa pulmonary TB ng mga batang wala pang 10 na taong gulang.
