Nutri-jeep ni Sen. Imee Marcos, namahagi ng pagkain sa mga bakwit sa Lungsod ng Ilagan

Nutri-jeep ni Sen. Imee Marcos, namahagi ng pagkain sa mga bakwit sa Lungsod ng Ilagan

SAN MATEO, Isabela– Isang araw pagkatapos sumalanta ang super typhoon Uwan, namahagi ng mainit na arroz caldo at tubig ang Nutri-jeep ni Senador Imee Marcos sa mga bakwit mula sa Barangay Camunatan, Baculud, at Bagumbayan, Lungsod ng Ilagan, Nobyembre 10. Tinatayang nasa humigit kumulang 2000 katao ang nabigyan ng pagkain.

Sina G. Ferdinand P. Taguba at Gng. Rebecca Zipagan-Manguilin ang nagpasilidad sa aktibidad at nanguna sa distribusyon.

Inaasahang mananatili muna sa evacuation centers hanggang bukas, Nobyembre 11, ang mga pamilyang apektado ng pagbahang dulot ng bagyo. Bagaman unti-unti nang bumubuti ang lagay ng panahon, mayroon pa ring banta ng baha dahil  sa pagbubukas ng Magat Dam ng pitong gate para sa pagpapakawala ng tubig.

Ang Isabela ay naitalang nasa Signal No. 4 at karamihan sa mga nasalanta ay nasa timog na bahagi ng probinsya.

Samantala, umikot din ang nasabing Nutri-jeep sa Lungsod ng Cauayan upang magsagawa ng kaparehong aktibidad.

Ang pamamahagi ng pagkain ay isang regular na aktibidad ng kampo ni Sen. Imee Marcos na isinasagawa hindi lamang sa Cagayan Valley kundi sa buong bansa, may kalamidad man o wala. Ito ay nakapaloob sa serbisyong panlipunan, isa sa mga bahagi ng kanyang plataporma at pangunahing programang “Imeesolusyon!” bilang senador. # Mae Barangan/ Larawan: A. Suguitan

Mae Barangan