Seminar sa Korespondensiya Opisyal sa Kagawaran ng Manggagawang Pandarayuhan, Pinaigting

Seminar sa Korespondensiya Opisyal sa Kagawaran ng Manggagawang Pandarayuhan, Pinaigting

Sa layuning lalo pang mapaigting ang antas ng paglilingkod ng mga kawani na nagsisilbi para sa mga manggagawang pandarayuhan, aktibong lumahok sa Korespondensiya Opisyal sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 28–29 Oktubre 2025 ang Kagawaran ng Manggagawang Pandarayuhan o DMW.

Dinaluhan ito ng higit sa 50 kinatawan mulâ sa iba’t ibang opisina sa gaya ng Human Resource Management and Development Service, Strategic Planning and Management Service, Pre-Employment and Government Placement Bureau, Office of the Undersecretary for Foreign Employment and Welfare Services, National Reintegration Center For OFWs, Office of the Assistant Secretary for Migrant Workers Welfare Services, Migrant Workers Offices Operations Support Bureau, Migrant Workers Office, Institute for Advanced and Strategic Studies on Migration and Development, International Migrant Workers Policy and Cooperation Bureau, Office of the Secretary, Legal Service, Office of the Assistant Secretary for Land-Based OFW Concerns, at Licensing and Regulations Bureau. Masigasig ding lumahok ang mga kawani mula sa DMW Regional Office sa pamamagitan ng Zoom.

Naging tagapanayam sina Bb. Kirsteen D. Abustan sa Korespondensiya Opisyal, Dr. Wilbert M. Lamarca sa Ortograpiyang Pambansa, at G. Jomar I. Cañega sa Introduksiyon sa Salin. Kinilala rin ang presensiya ng mga Ka-Tagapagtaguyod ng aktibidad na sina G. John C. Arimado, Chief Administrative Officer, Kgg. Rosalyn F. Ramos, Director IV, at Kgg. Julie F. Rodgriguez, Direktor IV.

Binigyang-diin ni Dr. Lamarca sa kaniyang talakay ang kahalagahan ng paggamit ng wikang Filipino sa Kagawaran ng Manggagawang Pandarayuhan upang episyente at epektibong mapaglingkuran ng Kagawaran ang publiko.

Ang programang ito ay pagtalima sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 na humihimok sa mga ahensiya ng pamahalaan na gamitin ang wikang Filipino bilang opisyal na wika ng komunikasyon at korespondensiya sa serbisyo publiko.

PRESS RELEASE