HOT PURSUIT OPERATION SA BENGUET NAGING MATAGUMPAY: MAHIGIT P17.7-M HALAGA NG MARIJUANA, NASABAT; DALAWANG DRUG PERSONALITIES, ARESTADO

HOT PURSUIT OPERATION SA BENGUET NAGING MATAGUMPAY: MAHIGIT P17.7-M HALAGA NG MARIJUANA, NASABAT; DALAWANG DRUG PERSONALITIES, ARESTADO

Dahil sa maagap na hot pursuit operation na inilunsad ng mga kapulisan ng  Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) ay matagumpay na naaresto ang dalawang lalaking nagtangkang tumakas dala ang mga sako na naglalaman ng mga pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng PhP17,720,000.00 sa Bakun, Benguet kaninang umaga, Nobyembre 4, 2025.

Ayon sa ulat ng 1st Benguet Provincial Mobile Force Company (PMFC), Benguet Police Provincial Office (PPO), sila ay nagsasagawa ng checkpoint operation sa Sitio Gakian, Brgy. Gambang sa nasabing bayan ng mapansin nila ang isang sasakyan na papalapit sa checkpoint. Sa halip na tumuloy ay bigla itong umikot at bumalik patungong Brgy. Ampusongan, Bakun.

Dahil sa kahina-hinalang kilos, agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis upang habulin ang tumakas na sasakyan. Ipinagbigay-alam din nila sa mga tauhan ng Bakun Municipal Police Station (MPS), 2nd Provincial Mobile Force Company, at Provincial Intelligence Unit ang nasabing insidente, na kaagad namang naglatag ng karagdagang checkpoint sa Sitio Ay-ay, Brgy. Ampusongan.

Dahil sa mabilis na aksyon ng kapulisan ay agad na natunton ang naturang sasakyan sa Sitio Mogao, Barangay Gambang. Bagaman tinangka ng dalawang sakay na tumakas, agad silang nadakip ng mga rumespondeng pulis. Kinilala ang mga suspek bilang dalawang lalaki na may edad 25 at 24, na kapwa residente ng Parañaque City.

Sa isinagawang inspeksiyon sa loob ng sasakyan, natuklasan ang ilang sako at tubular nets na puno ng pinatuyong dahon ng marijuana. Ang mga nasabing sako ay naglalaman ng mga sumusunod:

-127 tubular forms ng dried marijuana leaves na may kabuuang timbang na 127 kgs at may Standard Drug Price (SDP) na PhpP15,240,000.00;

-isang plain yellow sack na naglalaman ng 10.27 kgs ng dried marijuana leaves na may SDP PhP1,232,400.00; at

-isang garbage bag na naglalaman ng 10.4 kgs ng dried marijuana leaves at stalks na may SDP PhpP1,248,000.00.

Ang mga suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa kustodiya ng Bakun MPS para sa dokumentasyon at wastong disposisyon. Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ipinahayag ni PBGEN ERICSON D DILAG, Regional Director ng PRO CAR, ang kanyang pagpapasalamat sa mga operatiba ng Benguet PPO sa kanilang maagap at epektibong pagtugon sa insidente. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng patuloy na pagpapatupad ng mga operasyon laban sa ilegal na droga upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan. (RPIO PRO CAR / File Photos)

PRESS RELEASE