Mga Drayber, Sumailalim sa Drug Test para sa Ligtas na Biyahe ngayong Undas

Mga Drayber, Sumailalim sa Drug Test para sa Ligtas na Biyahe ngayong Undas

Courtesy of PDEA-CAR Photos

Lungsod ng Baguio — Sa layuning matiyak ang kaligtasan at kapanatagan ng mga biyahero ngayong Undas, inilunsad sa Baguio City ang pinagsanib na operasyon na OPLAN: “HARABAS” ng Department of Transportation–Cordillera (DOTr-CAR), Philippine Drug Enforcement Agency–Cordillera (PDEA-CAR), at PNP Highway Patrol Group (HPG) noong Oktubre 30, 2025.

Sa nasabing operasyon, animnapung (60) drayber, konduktor, at travel attendants ang sumailalim sa drug test, habang nagsagawa rin ng K9 inspection sa mga bagahe at motor vehicle roadworthiness check sa mga pangunahing terminal ng lungsod.

Ayon kay Dir. GLENN G. DUMLAO, Regional Director ng DOTr-CAR, mahalagang tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero lalo na sa panahon ng Undas kung kailan dagsa ang mga bumibiyahe.

“Taun-taon nating inaasahan ang pagdagsa ng mga biyahero. Ang hangarin natin ay matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan ng lahat ng bumibiyahe,” ani Dumlao.

Dagdag naman ni PDEA-CAR Regional Director MARTIN R. FRANCIA, ang mga ganitong joint inspections ay napakahalaga upang matiyak na ang mga drayber ay nasa maayos na kondisyon at hindi nasa ilalim ng impluwensya ng ipinagbabawal na gamot habang nagmamaneho.

Sa positibong resulta ng operasyon, tiniyak ng DOTr, PDEA, at PNP-HPG na ligtas at maayos ang biyahe ng publiko ngayong Undas, kasabay ng pagpapaalala sa lahat ng motorista at manlalakbay na panatilihin ang disiplina at malasakit sa kalsada. # Mario D. Oclaman // FNS

Mario Oclaman