Mahigit P8.3M na Halaga ng Iligal na Droga, Nasamsam; Dalawang High Value Drug Personalities, Arestado
Nasamsam ng mga kapulisan ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) ang mga iligal na droga na nagkakahalaga ng PhP8,300,000.00 at naaresto ang dalawang drug personalities sa magkahiwalay na anti-illegal drugs operation na isinagawa sa lalawigan ng Benguet noong ika-19 ng Oktubre, 2025.
Sa Tuba, isang 43 anyos na lalaki at isang 42 anyos na babae na parehong naitala bilang High Value Individuals ang naaresto matapos nilang magbenta ng isang naka-vacuum sealed ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na 1,000 grams at Standard Drug Price (SDP) na PhP6,800,000.00 sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Poblacion.
Ang operasyon ay naging matagumpay sa pangunguna ng operatiba ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU) ng PRO CAR at Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Benguet Police Provincial Office (PPO) sa pakikipagtulungan ng Tuba Municipal Police Station (MPS), La Trinidad MPS ng Benguet, Special Operations Unit-CAR, Regional Intelligence Unit-14 (RIU-14), at nang Provincial Drug Enforcement Agency (PDEA)-CAR.
Ang mga suspek at nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa kustodiya ng RPDEU-CAR para sa dokumentasyon at wastong disposisyon. Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Dagdag pa dito, naging matagumpay din ang isinagawang marijuana eradication operation ng mga operatiba mula Bakun MPS, Provincial Intelligence Unit at PDEU ng Benguet PPO, Regional Intelligence Division ng PRO CAR, RIU-14 at PDEA matapos madiskubre ang 7,500 fully grown marijuana plants na may SDP na PhP1,500,000.00 sa Brgy. Kayapa, Bakun.
Agad na binunot at sinunog ng mga operatiba ang mga nadiskubreng marijuana plants, habang kasalukuyan naman ang isinasagawa ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang iba pang plantasyon ng marijuana sa mga kalapit na lugar at mapanagot ang mga indibidwal na sangkot sa pagtatanim nito. (RPIO PRO CAR / File Photos)
