CMFC-SCPO, Best City Mobile Force Company sa ika-124 ng Police Service Anniversary

SANTIAGO CITY (Agosto 12)– Pormal nang iginawad ang pagkilala sa City Mobile Force Company (CMFC) ng Santiago City Police Office (SCPO) ang parangal bilang Best City Mobile Force Company, ngayong araw, sa Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City, sa pagdiriwang ng ika-124 Police Service Anniversary. Ikinatawan ni PMaj. Jayson M. Baldos, ang Officer-in-Charge, Force Commander ng CMFC ang nasabing aktibidad.
Samantala, bilang suporta ay nagtipon-tipon ang ilang kasapi ng SCPO Advisory Group, Bureau of Jail Management and Penology, Department of Public Order and Safety, at City Health Office sa SCPO Conference Hall upang panoorin ang live streaming ng programa sa social media account ng Radio Television Malacañang-RTVM. Pinangunahan ito ni PCol. Lucio L. Simangan, Jr., ang City Director.

Ayon kay Simangan, ang nasabing parangal ay bunga ng pagtutulungan ng kapulisan at mga mamamayan. Aniya, bagaman hindi maaring ikumpara ang estado ng peace and order sa siyudad sa ibang munisipalidad at siyudad sa Rehiyon Dos, maari naman umanong makipagsabayan sa ibang city police office tulad ng NCRPO at iba pang umuunlad na siyudad sa bansa.

“We are just a city, hindi pa nga siya highly urbanized, pero we could compete,” dagdag ni Simangan.
Kanya ring hinikayat ang mga dumalo sa nasabing pagtitipon na tulungan ang kapulisan sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon ukol sa 5-minute response. “Dial 911, let us cascade sa ating community na kung may kailangan, dial 911,”ani Simangan.
Ang Santiago City ay independent City sa Isabela at ang SCPO ay binubuo ng apat na istasyon.
Samantala, kinilala rin ang mga sumusunod na yunit mula sa Police Regional Office 2 para sa kanilang natatanging pagganap para sa Taong 2024: Cagayan Police Provincial Office – Best Police Provincial Office; Tuguegarao City Police Station – Best Component City Police Station; at 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company – Best Provincial Mobile Force Company.# 𝗠𝗮𝗲 𝗕𝗮𝗿𝗮𝗻𝗴𝗮𝗻 / 📸SCPO & RTVM